top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagtugon sa kasalukuyang pandemya tungo sa mas matatag na bansa

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 04, 2022



Habang pababa nang muli ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, unti-unti na rin nating nasisilayan ang sinasabing “light at the end of the tunnel.” Sa kabila nito, patuloy pa rin ang ating paalala na magpabakuna at magpaturok na ng kanilang booster shots laban sa naturang sakit. Dagdag pa rito ang sapat na pag-iingat, pagsunod sa mga patakaran at pakikipagbayanihan upang masigurong walang maiiwan sa ating pag-ahon sa krisis na ito.


Simula Pebrero 7, 2022, bubuksan na ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga batang 5 hanggang 11 taon. Alam nating marami pa ring magulang ang nangangamba sa bakuna.


Subalit ito ang epektibong paraan upang maproteksiyunan ang ating mga mahal sa buhay. Nasa datos naman na kadalasan sa mga may grabeng sintomas at namamatay, sila ‘yung mga hindi pa bakunado.


Ilan sa mga vaccination sites na maaaring bisitahin upang ipabakuna ang inyong mga anak ay matatagpuan sa Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital at SM North EDSA sa Quezon City; Manila Zoo sa Manila City; at Filoil Flying V Center naman San Juan City. Hinihikayat natin na magpatuloy ang pagbubukas ng mas maraming vaccination sites naman sa mga probinsiya. Layunin ng gobyerno na mabakunahan ang mahigit 15 milyon sa mga Pilipinong kabilang sa nasabing age group sa buong bansa ngayong taon.


Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang ating opisina sa pagtulong sa mga kababayan nating nasusunugan o nahaharap sa krisis dulot ng pandemya. Nitong nakaraang linggo, tumulong tayo sa 227 pamilyang nasunugan sa Batangas City; 19 sa Pasig City, at 12 naman sa Quezon City.


Nag-abot din ng tulong ang atking opisina sa 44 pamilyang nasunugan sa Taguig City.


Habang patuloy tayo sa pagharap sa mga kasalukuyang hamon dulot ng COVID-19, nararapat din na bigyan natin ng pansin ang kinabukasan ng bansa. Papalapit na ang eleksiyon, kaya patuloy din nating pinapaalalahanan ang lahat na maging mapanuri sa pagpili ng mga bagong lider ng ating bansa.


Iboto natin iyong mga kandidatong tunay na tapat ang puso na magsilbi sa mga Pilipino.


Bumoto tayo ng mga lider na handang ipagpatuloy ang magagandang programang nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na layuning magbigay ng komportableng buhay para sa lahat.


Sa parte naman ng kasalukuyang gobyerno, hinihikayat natin ang mga awtoridad na siguruhing magkakaroon tayo ng patas, malinis at tapat na halalan sa Mayo.


Paghandaan nating mabuti ang eleksiyon dahil kinabukasan ng bansa at ng ating mga anak at mahal sa buhay ang nakasalalay dito.


At bilang Senador at Chair ng Senate Committee on Health, masaya nating ibinabalita na naipasa sa Senado ang ilang panukalang batas na naglalayong patatagin ang ating healthcare system.


Noong Enero 31, naipasa ang 15 panukalang nais i-upgrade o palawakin ang hospital bed capacity ng Department of Health hospitals sa mga lalawigan ng Albay, Cebu, Iloilo, Sulu, La Union, Maguindanao, Misamis Oriental at Nueva Ecija. Meron ding naipasang anim na panukalang batas na layuning magpatayo ng mga bagong ospital ng gobyerno sa Bulacan, Cagayan, Ilocos Sur, Misamis Oriental at Samar.


Sa nasabing araw, inaprubahan din ang Senate Bill No. 2421 o ang COVID-19 Benefits and Allowances for Health Workers Act of 2021. Layunin ng panukalang ito, na ating ipinaglaban bilang author at co-sponsor, na bigyan ang mga healthcare workers ng suportang-pinansiyal bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo sa oras ng public health emergencies.


Bago ito, noong Lunes, inaprubahan din natin sa Senado ang Senate Bill No. 2420 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act na nais magbigay ng compensation sa mga internally displaced persons at reparation para sa mga nasiraan ng mga bahay at iba pang ari-arian sanhi ng pag-atake ng mga terorista sa Marawi City noon.


Noong Pebrero 2, sa huling araw ng session sa Senado bago ang halalan, nagpahayag din tayo ng pagsuporta sa House Bill No. 9541 o ang Cooperative Banking Act upang mas lalong patatagin ang cooperative banking industry sa bansa. Napapanahon ito habang dahan-dahan nating binubuksan ang ekonomiya sa pagtatapos ng pandemyang ito.


Bilang inyong halal na mambabatas, palagi nating isusulong ang kapakanan nating lahat upang patuloy na makapagbigay ng mas maginhawang buhay para sa mas maraming mga kababayan natin.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page