top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagtugon ng LGUs sa kalamidad, aprub sa DILG!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 4, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 04, 2020


Kani-kanyang paghahanda at pagsaklolo ang ginawa ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa bilang tugon sa bagyong Rolly.

Kaugnay nito, kuntento si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa pagtugon ng mga local government units (LGUs) sa kanilang disaster preparedness and response operations.

Ayon kay Año, 1,047 o 90% ng mga lokal na opisyal ay nasa kani-kanilang lalawigan sa kasagsagan ng Bagyong Rolly upang magbantay at tumugon sa kanilang nasasakupan.

Gayunman, 10 opisyal ang naiulat na wala sa kanilang lugar, kaya naman pagpapaliwanagin pa ang mga ito.

Samantala, ang mababang bilang ng mga nasawi at nasugatan ay dahil umano sa isinagawang pre-emptive evacuation, lalo na sa mga danger zones.

Binigyang-diin ng kalihim na ang kanilang tututukan ay kung paano mapananatili ang komunikasyon sa mga lugar na apektado ng bagyo.

Sa totoo lang, nakatutuwa na nakapaghanda at tumugon ang mga lokal na pamahalaan sa kasagsagan ng bagyo. Kumbaga, kahit nahaharap sa pandemya, matapang na hinarap ang panibagong hamon ng kalamidad para makapaglingkod sa bayan. ‘Yun nga lang, may mangilan-ngilan talaga na tila natutulog sa pansitan at wa’ paki sa nasasakupan.

Panawagan sa mga kinauukulan, ipaalala sa mga ito na tungkulin nilang maglingkod sa bayan ­sa lahat ng oras — may kalamidad man o wala — at hindi kung kailan lang nila gusto.

‘Ika nga, walang pinipiling panahon ang pagsisilbi sa publiko, kaya kung ‘di n’yo kayang maglingkod, magsilayas kayo sa puwesto.

Habang umaasa tayong magtutuluy-tuloy ang magandang performance ng LGUs, ‘wag naman nating hayaan na magpasarap buhay lang ang ibang opisyal.

Pakinggan ang paliwanag ng mga opisyal na ‘missing in action’, saka alamin kung ano ang dapat gawin.

Kung kailangan parusahan, gawin na. ‘Wag nating hintayin na tularan pa sila ng iba at dumami ang ganitong klase ng lingkod-bayan kuno bago tayo umaksiyon.

Sa panahon ng pandemya at pananalasa ng kalamidad, tunay na lider ang ating kailangan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page