Pagtiwalag ng UAE sa OPEC at OPEC+, nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis
- BULGAR

- 22 hours ago
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | April 30, 2026

Inanunsyo ng United Arab Emirates nitong ang pag-alis nito sa Organization of the Petroleum Exporting Countries at OPEC+ na magiging epektibo bukas, Mayo 1. Ayon sa pamahalaan, isa itong “strategic decision” upang magkaroon ng mas flexible na patakaran sa enerhiya.
Ayon sa UAE Ministry of Energy, bahagi ito ng tinawag nilang “evolution of sector policies” na layuning bigyan ang bansa ng mas malawak na kalayaan sa pagtugon sa galaw ng pandaigdigang merkado, habang patuloy na isinusulong ang matatag at responsableng suplay ng langis.
Ipinaliwanag din ng UAE na ang desisyon ay bunga ng masusing pagsusuri sa kanilang production policy at long-term capacity, at nakabatay sa pambansang interes, kabilang ang plano nitong palakasin ang domestic energy investments.
Dahil dito, inaasahang magkakaroon ng epekto sa pandaigdigang oil market, lalo na’t ang UAE ay isa sa mga pangunahing producer ng langis sa OPEC. Ayon sa ilang analyst, maaaring humina ang impluwensya ng OPEC dahil sa pag-alis ng UAE. Gayunpaman, may mga naniniwala ring magbibigay ito sa bansa ng mas malaking kalayaan upang palawakin ang produksyon at iayon ito sa sariling estratehiyang pang-ekonomiya.
Sa kabila ng hakbang na ito, iginiit ng UAE na nananatili itong committed sa global energy stability at patuloy na magiging maaasahang supplier sa pandaigdigang merkado ng langis.




Comments