Pagtitipid sa kuryente at langis, simulan na
- BULGAR
- Jan 24, 2024
- 2 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Enero 24, 2024
Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) ang pagpapatupad ng energy audit at random energy spot check sa lahat ng tanggapan ng gobyerno, kabilang na ang government-owned and controlled corporations, upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa kautusan hinggil sa pagtitipid sa konsumo ng kuryente at langis.
Ang direktiba ng Pangulo ay nakapaloob sa Administrative Order No. 15 na inisyu ni Executive Secretary Lucas Bersamin alinsunod sa Energy Efficiency and Conservation Act (EEC) na layuning mabawasan ang buwanang konsumo ng gobyerno ng enerhiya at langis.
Pinagsusumite rin ni P-BBM ang mga ahensya ng gobyerno ng inventory ng mga kagamitang gobyerno na kumokonsumo ng kuryente gaya ng ilaw sa mga gusali at kalsada, heating, ventilation at air-conditioning units, at mga sasakyan.
Nakasaad sa administrative order na lahat ng agencies, instrumentalities ng national government, kabilang ang government-owned and controlled corporations ay inaatasang magtipid ng kuryente, gayundin ang mga LGUs na hinihikayat na sumunod sa direktiba.
Nais ni P-BBM na matiyak na ipinapatupad sa mga tanggapan ng gobyerno ang 24°C sa mga AC units, pagpatay sa mga ilaw at aircon kapag walang tao at ilagay sa sleeping setting ang mga kagamitan sa opisina.
Ang energy audits ay regular na gagawin ng mga energy auditor ng gobyerno para maging epektibo ang kautusan.
Hindi lang kuryente ang pinasisinop ni P-BBM dahil maging ang paggamit ng langis ay pinatitipid na rin kasama ang mga service vehicle ng pamahalaan na dapat umano ay ginagamit sa mga mahahalagang lakad lamang.
Maganda nga naman ang hangaring ito ni P-BBM dahil ang matitipid mula rito ay maaaring maidagdag sa mga gastusin at maitutulong pa sa ating mga kababayan lalo na ang mga biktima ng kalamidad.
Kaya sana, lahat ng empleyado ng pamahalaan ay sumunod sa kautusang ito para sa kapakanan ng taumbayan, pero may ilan sa atin na dahil sa katigasan ng ulo ay babalewalain lang ang pagsisikap ng pamahalaan, aba’y mahiya naman tayo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments