Pagtatrabaho ng mga banyagang arkitekto sa ‘Pinas
- BULGAR

- Oct 3
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 3, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang dyowa ko na si Andrei ay isang banyagang arkitekto. Lumipad siya rito sa Pilipinas upang tuparin ang kanyang pangako na magdisenyso ng pangarap na bahay ng mga magulang ko. Nais kong malaman kung maaari ba siyang magtrabaho bilang arkitekto rito sa ating bansa. -- Kathlyn
Dear Kathlyn,
Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 9266 o mas kilala bilang “The Architecture Act of 2004” dahil kinikilala ng ating Estado ang kahalagahan ng mga arkitekto sa pagbuo ng mga gusali at sa pag-unlad ng bansa. Layunin ng batas na ito na gumawa at magsanay ng mga karampatan, huwaran at mahusay na mga propesyonal na arkitekto, na ang mga pamantayan ng pagsasanay at serbisyo ay mahusay at pandaigdigang mapagkumpitensya sa pamamagitan ng tapat, mabisa, at mapagkakatiwalaang mga pagsusuri para makakuha ng lisensya at sa pamamagitan ng mga panukalang regulasyon, mga programa, at aktibidad na nagtataguyod ng kanilang propesyonal na paglago at pag-unlad. Kaugnay nito, nakasaad sa Section 25 ng batas na ito na:
“SEC. 25. Registration of Architects Required. – No person shall practice architecture in this country, or engage in preparing architectural plans, specification or preliminary data for the erection or alteration of any building located within the boundaries of this country or use the title ‘Architect,’ or display or use any title, sign, card, advertisement, or other device to indicate such person practices or offers to practice architecture, or is an architect, unless such person shall have received from the Board a Certificate of Registration and be issued a Professional Identification Card in the manner hereinafter provided and shall thereafter comply with the provisions of this Act.
A foreign architect or any person not authorized to practice architecture in the Philippines, who shall stay in the country and perform any of the activities mentioned in Sections 3 and 4 of this Act, or any other activity analogous thereto, in connection with the construction of any building/structure/edifice or land development project, shall be deemed engaged in the unauthorized practice of architecture.”
Alinsunod sa nasabing batas, walang sinumang tao ang dapat magsanay ng arkitektura sa bansang ito, o makisali sa paghahanda ng mga planong pang-arkitektura, ispesipikasyon o paunang datos para sa pagtatayo o pagbabago ng anumang gusaling matatagpuan sa loob ng bansa, o gagamit ng titulong “Arkitekto,” o magpapakita o gagamit ng anumang titulo, karatula, kard, patalastas, o iba pang kagamitan upang ipahiwatig na nagsasanay o nag-aalok ng gawaing pang-arkitektura, maliban kung siya ay nakatanggap ng certificate of registration mula sa Professional Regulatory Board of Architecture at naisyuhan ng kaukulang professional identification card.
Nakasaad din sa nasabing batas na ang isang dayuhang arkitekto o sinumang tao na hindi awtorisadong magsanay ng arkitektura sa Pilipinas, na mananatili sa bansa at magsasagawa ng alinman sa mga aktibidad na nauugnay sa arkitektura na binanggit sa nasabing batas, o anumang iba pang aktibidad na kahalintulad nito, na may kaugnayan sa pagtatayo ng anumang gusali/istruktura/edipisyo o proyekto sa pagpapaunlad ng lupa, ay dapat ituring na kasangkot sa hindi awtorisadong pagsasanay ng arkitektura.
Kung kaya’t sa kaso ng iyong kasintahan na si Andrei, kinakailangan niya munang magkaroon ng certificate of registration at maisyuhan ng professional identification card bago siya makapagtrabaho bilang arkitekto rito sa Pilipinas. Kung hindi, maaari siyang masentensyahan ng multang hindi bababa sa P100,000.00, ngunit hindi hihigit sa P5,000,000,00 o pagkakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o hindi hihigit sa anim na taon, o pareho, sa pagpapasya ng korte. Ayon sa Section 29 ng parehong batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments