top of page
Search

Pagtatapos at pagmamahal

BULGAR

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 3, 2024



Fr. Robert Reyes


Sunud-sunod ang mga graduation dito sa Bgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City. At karaniwang humihiling ang mga paaralan dito ng Baccalaureate Mass bago ang araw ng pagtatapos. 


Tatlong Baccalaureate Mass ang ipinagdiwang natin para sa tatlong paaralan sa naturang Parokya, at tinatayang 1K mag-aaral ang ating naabot sa mga misang inialay para sa kanila.


Sinimulan ko ang lahat ng misa sa isang tanong. Nakatutuwa naman ang mga naging sagot ng mga mag-aaral. Ang unang tanong ay para sa 600 mag-aaral ng Grade 6. Inilabas ko mula sa aking bulsa ang limang bagay at idinagdag ko ang isang maliit na bandila ng Pilipinas. Ito ay car keys, salamin, wallet, rosaryo at cellphone. Tanong ko sa kanila, ano sa anim ang puwede nilang bitiwan at mabubuhay pa sila? At ano ang tatlo na sa tingin nila ay hindi maaaring talikuran dahil mahalagang sangkap ang mga ito ng makabuluhan at mabungang buhay? 


Sagot nila, puwede nilang bitiwan ang car keys dahil okey naman daw silang maglakad o sumakay sa public transport. Puwede ang cellphone dahil mas maganda at mabisa ang face-to-face na usapan, puwede ring bitiwan ang wallet dahil maaari silang mamuhay nang simple at hindi magastos. Ngunit, ang hindi nila puwedeng bitiwan at talikuran ay ang Diyos (rosary), ang bandila (Inang Bayan) at ang salamin (pagsusunog ng kilay sa pag-aaral).


Ang pangalawang tanong ko ay para sa 150 nagsipagtapos ng senior high mula sa paaralan na ipinangalan sa isang national artist na kilala sa literaturang Pilipino, Ingles at Kastila. Tinanong ko kung kilala nila ang pangalan na siyang pangalan ng kanilang paaralan. Hindi, ang sagot ng halos lahat. Tinanong ko rin kung ilan sa kanila ang mahilig magbasa. May 10 na nagtaas ng kamay. Sunod naman, kung ilan sa kanila ang mahilig magsulat. Nasa 11 ang nagtaas ng kamay. Ipinaliwanag ko ang kaugnayan ng pagbabasa sa pagsusulat at sa pagsasalita. Matapos ang misa nakausap namin ang prinsipal at nabuo ang ideya na magkaroon ng library ng national artist na patron ng kanilang paaralan.


Pangatlong tanong ay para sa mga nagtapos ng junior high sa isang maliit na pribadong paaralan. Tinanong ko ang mga mag-aaral, kung sila ay makapagpapasya, saan nila mas gustong mag-aral dito o sa ibang bansa? Nasa 10 ang sumagot ng dito, habang 11 sa ibang bansa.


Sa tatlong tanong na may iba-ibang sagot, iisa lang sa totoo ang sagot. Sa una, may lumabas na mas mahalaga, bandila, rosaryo at salamin. Sinasagisag nito ang tatlong pagmamahal, para sa Diyos, bayan at karunungan. Sa ikalawa, nakita ang kahalagahan ng pagbabasa o pagmamahal sa pagtuklas sa iba’t ibang mundo na magbubukas sa bawat librong babasahin, at ang pagmamahal sa pagsusulat o pagtuklas din sa mundong nasa loob na maaaring ibahagi sa iba sa pamamagitan ng pagsusulat. At panghuli, meron pa ring nais mag-aral, magtapos at maglingkod sa sariling bayan at halos kalahati ito ng mga magsisipagtapos sa nasabing paaralan.


Ano nga ba ang higit na minamahal ng karamihan ng mga kabataan? Makikita at matututunan nila ito sa mga magulang, guro, taga-simbahan, pulitiko, at kapwa. Mahalaga ring itanong, ano ba ang higit na mahal ng mga nakapagtapos at nagtatrabaho nang mga magulang, propesyonal, manggagawa, magsasaka, mangingisda, mga nakatatanda ng lipunan?


Nasusulat sa Bibliya, “Nagsasalita ang bibig mula sa kayamanan ng puso.” O sa madaling salita, kung ano ang iyong minamahal, makikita ito sa iyong buhay. Naituturo ba ng mga guro ang pagmamahal sa Diyos, bayan at karunungan? Naituturo ba ng mga guro ang pagmamahal sa pagbabasa, pagsusulat at mahusay na pamamahayag? Naituturo rin ba sa kanila ang piliing mag-aral sa sariling bansa? Guro lang ba ang magtuturo nito habang ang mga mag-aaral lang ba ang may pananagutang matuto nito? 


Lahat, dapat magturo ng pag-ibig sa mga bagay na higit na mahalaga tulad ng Diyos, bayan, kalikasan, karunungan, paglilingkod sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap at mahihina, at ang pagbabasa, pagsusulat, pamamahayag, gayundin ang pagtataguyod ng lahat ng institusyon, kabuhayan, kultura, kasaysayan, kaugaliang Pinoy.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page