top of page

Pagtatanggal ng karapatang magmana ang asawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Noong mga unang taon ng pagsasasama namin ni Arnold ay maayos at masaya ang aming relasyon. Ngunit nang siya ay lumipat ng trabaho ay may nakilala siyang bagong kaibigan at tuluyan silang naging malapit sa isa’t isa. May mga natanggap akong ebidensya na sila ay may relasyon at nagtalik. Sa kasamaang-palad ay mayroon akong matinding sakit kaya gusto ko sana gumawa ng huling habilin. Nais kong isulat sa aking huling habilin na tinatanggalan ko ng karapatan si Arnold na magmana sa akin dahil sa kanyang kataksilan. Maaari ko bang gawin iyon?

– Caitie



Dear Caitie,


Ang tinatawag na “disinheritance” o pagtatanggal sa isang tao ng karapatang magmana ay pinapayagan ng batas, ngunit may mga patakaran para magkabisa ito. Ayon sa Article 916 ng New Civil Code of the Philippines, kailangang ito ay malinaw na nakasulat sa porma ng huling habilin, at ang dahilan sa nasabing pagtatanggal ng karapatang magmana ay dapat tunay at base sa mga nakasulat sa batas. 


Kung ang isang tagapagmana ay tinanggalan ng karapatang magmana, maging ng tinatawag na “legitime” o bahagi ng ari-arian na itinalaga ng batas sa mga kompulsaryong tagapagmana ay hindi niya makukuha. 


Sa pagtatanggal ng karapatan sa isang asawa na magmana, narito ang mga rason at dahilan na ibinibigay ng batas. Ayon sa Article 921 ng New Civil Code of the Philippines: 


Article 921. The following shall be sufficient causes for disinheriting a spouse:


(1) When the spouse has been convicted of an attempt against the life of the testator, his or her descendants, or ascendants;


(2) When the spouse has accused the testator of a crime for which the law prescribes imprisonment of six years or more, and the accusation has been found to be false;


(3) When the spouse by fraud, violence, intimidation, or undue influence cause the testator to make a will or to change one already made;


(4) When the spouse has given cause for legal separation;


(5) When the spouse has given grounds for the loss of parental authority;


(6) Unjustifiable refusal to support the children or the other spouse.”


Kasama sa mga nabanggit na dahilan ay kung ang asawa ay nakapagbigay ng mga rason para sa tinatawag na “legal separation.” Ayon sa Article 55 ng Family Code of the Philippines: 


Art. 55. A petition for legal separation may be filed on any of the following grounds: xxx


  1. Sexual infidelity or perversion; xxx”


Maliwanag ang nakasaad sa nasabing batas na kung ang isang tao ay nagtaksil sa kanyang asawa, o tinatawag na “sexual infidelity”, ito ay rason para sa legal separation. Kaugnay nito, dahil ang nasabing asawa ay nakapagbigay ng rason para sa legal separation, maaari siyang tanggalan ng karapatan magmana. 


Ayon sa iyong salaysay, ang iyong asawa ay nagtaksil o nagkaroon ng relasyon sa ibang babae. Dahil dito, nagbigay siya ng dahilan para sa legal separation, na maaari mo ring gamiting dahilan upang gumawa ng huling habilin kung saan tatanggalan mo siya ng karapatang magmana sa iyo. 

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page