top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagtataksil sa asawa at pagiging lasenggo, batayan para sa legal separation

BULGAR
Sep 8, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 8, 2022


Dear Chief Acosta,


Ako at ang aking kinakasama ay parehong kasal na sa iba, kaya nagsampa ako ng kaso upang mapawalang-bisa ang aking kasal. Tutol ang aking asawa sa bago kong relasyon dahil mahal pa diumano niya ako. Sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang nasabing kaso kaya nais ko na lang maging legal ang paghihiwalay namin dahil karaniwang lasenggero ang aking asawa. May posibilidad bang tanggihan ng korte ang isasampa kong kaso para sa legal na paghihiwalay? - Ednah


Dear Ednah,


Ang sagot sa iyong katanungan ay makikita sa Artikulo 55 (5) at (8) at Artikulo 56 (4) ng Family Code of the Philippines na nagsasaad na:


“ARTICLE 55. A petition for legal separation may be filed on any of the following grounds: xxx

(5) Drug addiction or habitual alcoholism of the respondent; xxx


(8) Sexual infidelity or perversion;


ARTICLE 56. The petition for legal separation shall be denied on any of the following grounds:


(4) Where both parties have given ground for legal separation.” (Binigyang diin)


Malinaw na nakasaad sa batas na ang pagtataksil sa asawa (sexual infidelity) at karaniwang paglalasing (habitual alcoholism) ay parehong batayan sa pagsasampa ng kasong legal na paghihiwalay (legal separation). Ayon din sa batas, ang legal separation ay hindi igagawad kung parehong partido ang nagbigay ng legal na basehan para rito.


Sa iyong sitwasyon, ang pagiging lasenggero ng iyong asawa, kung ito ay nakagawian na o habitual ay isa sa mga legal na dahilan para magsampa ng legal separation. Gayunman, ang pagkakaroon mo ng ibang kinakasama ay maituturing na pagtataksil sa asawa dahil hindi pa naipapawalang-bisa ang iyong naunang kasal. Ito rin ay isa sa legal na basehan para sa legal separation. Samakatwid, pareho kayong mag-asawa na nagbigay ng batayan para sa legal separation. Kaya naman, may posibilidad na tanggihan ng korte ang plano mong kaso para sa legal separation alinsunod sa Article 56 ng Family Code of the Philippines.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page