Pagtatakda ng rice price cap, dapat pinag-aralan muna
- BULGAR
- Sep 15, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 15, 2023
Pag-aralan muna natin kung tatanggalin o babawasan ang ipinapataw na taripa sa rice imports upang maibaba ang presyo ng bigas.
May problema ang bansa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, kaya kailangang bumalangkas ng mga hakbangin upang matulungan ang ating mga kababayan.
Ito ang ating opinyon hinggil sa mainit na usapin matapos na bumuhos ang iba’t ibang reaksyon sa panukala ng tanggapan ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pansamantalang tanggalin ang taripa o buwis sa mga imported na bigas upang bumaba umano ang presyo nito sa bansa.
Matatandaan na naglagay ang Malacañang ng price ceiling sa bigas simula noong nakaraang Setyembre 5 sa bisa ng inilabas na Executive Order (EO) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng bigas.
Nakapaloob sa EO na ang presyo ng regular na bigas ay hanggang P41 lamang bawat kilo habang nasa P45 kada kilo naman ang well-milled rice. Nakasaad din na babantayan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng bigas sa mga palengke, supermarket at bodega para maiwasan ang pananamantala.
Kung ibabase natin sa bantay-presyo ng DA, ang bentahan ng imported rice sa nagdaang linggo ay umaabot sa P43 hanggang P65 kada kilo sa buong Metro Manila at nasa P42 hanggang P65 naman kada kilo sa presyo ng local rice.
May ilang nagkokomento na gawa-gawa lamang ng mga ‘rice cartel’ ang ‘artificial shortage’ para maipagbili sa mataas na presyo ang nakaimbak na bigas sa kanilang bodega at may mga sitsit na kaya umano ito ginagawa ay upang palabasin na sablay ang Rice Tariffication Law (RTL) sa pagpapababa ng presyo ng bigas.
Kung pagbabatayan kasi ang RTL, maaaring mag-angkat ng bigas ang kahit sino basta’t magbabayad lamang ng 35% na taripa. May mga pananaw na dadami umano ang supply ng bigas lalo na kung malayo pa ang anihan, at babagsak ang presyo sa pamilihan.
Pero, tila taliwas ito sa kasalukuyang nangyayari dahil hindi makontrol ang presyo ng bigas dahil hindi natatakot ang mga negosyante na magsagawa ng hoarding, profiteering at cartel ng bigas at produktong agrikultura.
Nitong nagdaang Lunes, nilinaw ni Secretary Diokno na suportado ng economic team ang implementasyon ng price cap sa bigas at itinuturing umano nila ang EO 39 bilang ‘essential stop-gap measure’.
Naniniwala umano sila na ang pagpapatupad ng price cap sa bigas ay isa sa pinakamahalagang aksyon sa kasalukuyan ni P-BBM upang matugunan ang dalawang kritikal na problema sa bansa, tulad ng pagpapatatag sa presyo ng bigas at ang agarang suporta sa ating mga kababayan.
Nagsisilbi nga namang lifeline ang EO 39 na magbibigay ng malaking alalay sa ating mga kababayan na sisinghap-singhap na dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng bigas.
Naglalabasan ang iba’t ibang opinyon at pahayag ng ating mga kababayan matapos aminin ng economic team na nagulat umano sila nang ilabas ni P-BBM ang EO 39 na nagtatakda ng bagong presyo ng bigas.
Hati ang mga pahayag, may ilang nagbibigay ng komento na ang pagpapatupad ng zero-tariff importation sa panahon ng anihan ay disaster na sasalanta sa ating mga lokal na magsasaka na tinututulan naman ng iba, sana hindi na ito pinag-uusapan sa harvest season.
May iba namang nagsasabi na hindi dapat bahain ng imported na bigas ang bansa lalo na at nalalapit na ang panahon ng tag-ani at tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa mga magsasaka.
Hating-hati ang mga opinyon, dahil ang zero tariff umano ay lalong magbabaon sa mga magsasaka, kung saan tiyak na babaha ang imported rice na sa huli ay makikinabang nang husto ang mga cartel dahil mas madali na umanong magpuslit ng bigas.
Tila hindi naman maliwanag sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang plano ng gobyerno na mag-import ng bigas gayong ang problema ng bansa ay ang taas-presyo nito at hindi ang kakulangan ng supply.
Maging ang pinasok na kasunduan ni P-BBM para sa trade agreement sa Vietnam at Cambodia upang maging matatag ang suplay ng bigas sa bansa ay pinagdududahan ng marami kahit hindi pa naman nakikita ang inaasahang resulta nito.
Medyo nabulabog ang palayan dahil sa panukala ng Department of Finance (DOF), na bukod sa pagtanggal ng taripa sa bigas ay nais din nitong magpatupad ng super green lane para sa mga imported na bigas upang mapabilis ang pagpasok ng bigas sa bansa.
Iba-iba ang opinyon at hati ang ating mga kababayan, ngunit kung ako ang tatanungin ay makabubuting huwag tayong magpabigla-bigla at pag-aralang mabuti kung ano ang nararapat na solusyon upang sa huli ay hindi umiral ang pulitika at magsama-sama tayo sa iisang desisyon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments