Pagtanggi sa partial payment ng utang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 16, 2021
Dear Chief Acosta,
Umutang ako sa kaibigan ko ng P20, 000, at nangako akong magbabayad pagkatapos ng dalawang buwan. Nang dumating ang panahon ng kabayaran, sinabi ko sa kanya na kung maaari ay P10, 000 na lang muna ang aking ibabayad at nangako akong magbabayad ng natitirang halaga sa lalong madaling panahon. Hindi ito tinanggap ng aking kaibigan at dapat diumano ay buong halaga ang ibayad ko sa kanya. Maaari ko ba siyang pilitin na tanggapin ang aking paunang bayad? – Bernie
Dear Bernie,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 1231 at 1248 ng New Civil Code, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Article 1231. Obligations are extinguished: (1) By payment or performance; xxx
Article 1248. Unless there is an express stipulation to that effect, the creditor cannot be compelled partially to receive the prestations in which the obligation consists. Neither may the debtor be required to make partial payments.”Malinaw na nakasaad sa nasabing mga probisyon ng batas na maaaring gampanan ang obligasyon sa pamamagitan ng pagbayad nito. Bukod dito, maliban na lang kung malinaw na napagkasunduan na maaaring magbayad sa paraan ng partial payments, hindi maaaring mapilit ang nagpautang o creditor na tumanggap ng partial payment, at hindi rin maaaring mapilit ang umutang o debtor na magbayad ng partial payment.
Sa inyong sitwasyon, malinaw na wala kayong hayag na kasunduan na maaaring magbayad ng inyong utang sa paraan ng partial payment. Ibig sabihin, hindi ninyo maaaring pilitin ang inyong kaibigan na tumanggap ng halaga na magsisilbing partial payment ng inutang ninyo mula sa kaniya sapagkat hindi ito pinahihintulutan ng batas (Jurado, Civil Law Reviewer, 21st Ed., 2009, at 768 citing Art. 1248, New Civil Code).
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments