Pagtanggi sa newborn screening
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 7, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay buntis at nakatakdang manganak sa susunod na buwan. Kinausap ako ng aking doktor at ipinaliwanag niya na isasailalim ang aking sanggol sa newborn screening. Tutol ako rito sapagkat ipinagbabawal ito ng aking relihiyon, subalit sinabi ng aking doktor na ito raw ay kailangan sa ilalim ng batas. Maaari ko ba ito tanggihan? - Lian
Dear Lian,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act No. 9288 o kinikilala bilang "Newborn Screening Act of 2004". Nakasaad sa Sections 6 at 7 nito na:
“SEC. 6. Performance of Newborn Screening. - Newborn screening shall be performed after twenty-four (24) hours of life but not later than three (3) days from complete delivery of the newborn. A newborn that must be placed in intensive care in order to ensure survival may be exempted from the 3-day requirement but must be tested by seven (7) days of age. It shall be the joint responsibility of the parent(s) and the practitioner or other person delivering the newborn to ensure that newborn screening is performed. An appropriate informational brochure for parents to assist in fulfilling this responsibility shall be made available by the Department of Health and shall be distributed to all health institutions and made available to any health practitioner requesting it for appropriate distribution.
SEC. 7. Refusal to be Tested. – [A] parent or legal guardian may refuse testing on the grounds of religious beliefs, but shall acknowledge in writing their understanding that refusal for testing places their newborn at risk for undiagnosed heritable conditions. A copy of this refusal documentation shall be made part of the newborn's medical record and refusal shall be indicated in the national newborn screening database.”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang bagong-panganak na sanggol ay marapat na sumailalim sa newborn screening at parehong may tungkulin ang magulang at ang medical practitioner na sumubaybay sa panganganak na siguruhin na ang newborn screening ay nagawa sa sanggol. Subalit, nakasaad din sa batas na ang sinumang magulang o legal guardian na nais tanggihan ang newborn screening para sa kanyang sanggol sa kadahilanan ng kanyang paniniwalang panrelihiyon ay maaaring tumanggi. Sa pagtanggi sa newborn screening, marapat na malinaw na isaad ng magulang o legal guardian sa kasulatan na kanyang kinikilala na ang pagtanggi na isailalim ang sanggol sa newborn screening ay maaaring maglagay sa huli sa peligrong dala ng mga hindi nasuring sakit na maaaring mamana.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments