top of page
Search

Pagtanggal sa probationary employee

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 21, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang empleyado sa isang multinational na kumpanya. Mayroon kaming company manual na siyang nagsasaad ng pamamaraan kung paano tatanggalin ang isang empleyado.  Bilang isang probationary employee, nararapat akong magkaroon ng dalawang evaluations sa loob ng aking probationary period. Ito ay hindi nasunod sa aking sitwasyon sapagkat isang beses lamang akong nabigyan ng evaluation. Ibinagsak ako sa evaluation at tinanggal agad ako sa trabaho. Sabi ng kumpanya ay maaari akong tanggalin dahil probationary employee pa lamang ako. Wala bang halaga ang company manual kung saan nakasaad na dapat ay may dalawang evaluations ako bago ako tanggalin sa trabaho? 


-- Gabby


 

Dear Gabby,


Ang sagot sa iyong katanungan ay isinaad ng Korte Suprema sa kasong Abott Laboratories, Philippines, At. Al. vs. Pearlie Ann F. Alcaraz (G.R. No. 192571, 30 July 2013), sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe.  Sang-ayon sa Korte Suprema:


In similar regard, the Court deems it proper to apply the same principle to the case at bar for the reason that an employer’s contractual breach of its own company procedure – albeit not statutory in source – has the parallel effect of violating the laborer’s rights.  Suffice it to state, the contract is the law between the parties and thus, breaches of the same impel recompense to vindicate a right that has been violated.  Consequently, while the Court is wont to uphold the dismissal of Alcaraz because a valid cause exists, the payment of nominal damages on account of Abbott’s contractual breach is warranted in accordance with Article 2221 of the Civil Code.” 


Sang-ayon sa nasabing desisyon, ang hindi pagsunod ng kumpanya sa sarili nitong mga polisiya ukol sa pagtanggal ng isang empleyado ay gaya ng paglabag sa karapatan ng empleyado. Ang kontrata ay maituturing na siyang batas sa pagitan ng empleyado at kumpanya. Bilang pagkilala ng paglabag sa nasabing karapatan ay pinagbayad ng nominal damages ang nasabing kumpanya.


Mahalagang maintindihan na ipinagtatanggol ng batas ang karapatan ng isang empleyado sa kanyang trabaho. Ito ay itinuturing na isang pag-aari na hindi maaaring kunin o tanggalin nang walang tinatawag na due process. Dahil dito, hindi maaaring tanggalin ang isang probationary employee nang hindi dumaraan sa nasabing due process, lalo na kung mayroong itinalagang pamamaraan sa pag-evaluate at pagtanggal ng empleyado sa ilalim ng kanilang kontrata.  


Gaya sa iyong sitwasyon, dahil hindi nasunod ang proseso ng pagtanggal ng empleyado na nakalagay sa inyong company manual, maaari kang magkaroon ng karapatan na mabayaran ng nominal damages, kahit pa mapatunayan ng kumpanya na mayroon itong legal na basehan para tanggalin ka. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page