Pagtanggal ng plastic barrier sa PUVs, dapat aprubado ng health experts
- BULGAR
- Nov 2, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 2, 2021
Matapos itaas sa 70% seating capacity sa mga public utility vehicles (PUVs), hindi na rin kakailanganin ang plastic barriers sa loob mismo ng pampublikong sasakyan mula Nobyembre 4, Huwebes, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Paliwanag ni Transportation Assistant Secretary for road Mark Steven Pastor, maaari nang alisin ang mga drivers at operators ang mga naturang plastic barrier sa kanilang pamasadang sasakyan dahil wala namang medical findings na nagsasaad na epektibo ito upang maiwasan ang hawahan ng virus sa mga pasahero.
Base sa kanilang pag-aaral, wala umanong medical findings na nagpapatunay na napipigilan ng plastic barrier ang pagkalat ng COVID-19. Sa halip, posible pa itong kapitan ng virus.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na dapat istrikto pa ring ipatupad ang minimum health standards sa lahat ng pampublikong transportasyon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Matatandaang noong Hulyo 3, 2020, pinayagan ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga jeepney at bus, ngunit inatasan ang mga driver na maglagay ng plastic barriers upang hindi magdikit-dikit ang mga pasahero.
Sa totoo lang, hati ang opinyon ng taumbayan sa pagluluwag na ito. Habang maraming pabor dahil abala lang umano ang barrier, may iba namang naniniwala na hindi pa ito dapat gawin, lalo pa’t itinaas na ang seating capacity sa pampublikong sasakyan, kumbaga, delikado pa rin.
Ngunit kung tutuusin, matagal nang delikado ang ginagawang paglabas at pagbiyahe ng ating mga kababayan. Idagdag pa na hindi nasusunod na seating capacity sa kabila ng mas mahigpit na panuntunan noon. Kaya ang tanong, napapanahon na nga ba ang pagtanggal ng plastic barrier?
Bagama’t pabor dito ang ilang komyuter, sana lang ay ganundin ang mga eksperto. At kung sakaling pasado naman sa kanila ang pagluluwag na ito, sana’y sabayan din ng karagdagang pag-iingat.
Kabilang na rito ang tamang pagsuot ng facemask at face shield at pagsunod sa seating capacity.
‘Ika nga, kailangan nang mag-level up, pero siyempre, ‘di dapat makalimutan ang pag-iingat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments