Pagtanggal ng facemask requirement sa bansa, hindi pa ubra kaya tiis-tiis muna
ni Ryan Sison - @Boses | July 11, 2021
Matatandaang Abril 2020 nang gawing mandatory ng gobyerno ang pagsusuot ng facemask upang mabawasan ang hawaan ng COVID-19.
Kasunod nito, ini-require rin ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar bilang karagdagang proteksiyon laban sa virus.
At habang umuusad ang national vaccination program ng pamahalaan, kani-kanyang suhestiyon ang mga eksperto, opisyal ng gobyerno at maging ang taumbayan para unti-unting maibalik sa normal ang sitwasyon.
Nariyan ang pagluluwag sa quarantine restrictions, gayundin sa face shield requirement, at ngayon naman ang pagtatanggal ng mask requirement.
Gayunman, giit ng mga eksperto, malayu-layo pa ang tatahakin ng Pilipinas bago tanggalin ang mandatory na pagsusuot ng facemask sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force on COVID-19, kaunti pa lamang ang nakakumpleto ng bakuna sa Pilipinas para tanggalin ang quarantine protocols. Aniya, tatlong milyon na ang fully vaccinated, at mababa pa ito sa target ng pamahalaan na 70 milyon.
Ang rekomendasyon ng eksperto na tanggalin ang facemask at face shield requirement ay kapag umabot na ng 50% ng target population o 40 hanggang 50 milyon.
Base sa ulat, nasa 12.48 milyon doses na ang naiturok, kung saan 9.39 milyon dito ang first dose, habang 3.08 milyon naman ang second dose.
Totoong mahaba-habang panahon pa ang ating hihintayin bago tanggalin ang mask requirement sa bansa.
At ngayong malayo pa sa target population ng pamahalaan ang nababakunahan, kinakailangan pa rin nating sundin ang mga umiiral na health protocols at kabilang na rito ang pagsusuot ng facemask at face shield.
‘Ika nga, tiis-tiis muna kung hindi pa talaga kaya. Tandaan na hindi natin dapat madaliin ang pagluluwag ng health protocols, lalo na kung malaking tulong ito upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments