top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | December 18, 2025



SIBOL Pilipinas Esports

Photo: Ang SIBOL team na hari ng Mobile Legends: Bang Bang nang durugin ang Malaysia para sa pang-4 na ginto sa 2025 SEA Games, Thailand.  (sibolpix)



Hindi napigil sa kanilang ikaapat na sunod na kampeonato ang SIBOL Pilipinas Esports National Team upang manatiling hari sa Mobile Legends: Bang Bang finals matapos walisin ang Malaysia sa iskor na 4-0 tungo sa gintong medalya sa 2025 Southeast Asian Games Esports event sa Chulalongkorn University sa Bangkok, Thailand kahapon.


Kinumpleto ng SIBOL na binubuo ng koponan ng Team Liquid na kinabibilangan rin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Alston "Sanji" Pabico (Middle Laner) Jaypee Dela Cruz (Roamer), Kiel "Oheb" Soriano (Gold Laner), Sanford Vinuya (EXP Laner), at Carlo "Caloy" Roma (6th Man/Roamer) na parte naman ng Twisted Minds Philippines, habang ginagabayan ang koponan ni coach Rodel Cruz.


Winalis ng SIBOL ang group stage sa 6-0 patungo sa championship round, kung saan madaling nakuha ang unang dalawang serye, bago napalaban ng husto sa Game 3 sa epikong comeback, bago tuluyang dominahin ang Game 4 sa mas tutok na pagpapamalas ng diskarte at tamang pili at plays tungo sa panibagong kampeonato.


Nag-usap-usap lang talaga kami na hindi pa talaga namin kaya sa teamfight. Nag-defend muna kami. Nagkamali lang talaga ‘yung Malaysia,” pahayag ni Pabico sa naging matinding paghahabol sa ikatlong laro.


Ito na rin ang ikalawang gintong medalya para kina Nepomuceno na naging parte ng 2019 debut na ginanap sa bansa, kung saan kinatawan pa ito noon ng All-star cast. Naging sandalan si Nepomuceno sa ika-apat na laro gamit ang pambatong karakter na si Lancelot upang trangkuhan ang atake ng SIBOL.


Dinaluhan ang naturang tagumpay ni Philippine Olympic Committee (POC) president at pangunahing cheerleader na si Atty. Abraham “Bambol” Tolentino at Samahang Basketbol ng Pilipinas official Ricky Vargas, mga opisyales ng Smart Communications, gayundin si Philippine Esports Organizations (PESO) Executive Director Marlon Marcelo para sa panibagong kasaysayan.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | December 16, 2025



Ando weightlifter - SEA GAMES 2025

Photo: "Binubuhat ko lang ito sa training, kaya itinodo ko na!" - ani Elreen Ando nang maka-ginto sa SEA Games 2025.  (pocmediapix) 



Siniguro ni Elreen Ando na mabubuhat ang unang gintong medalya sa larangan ng weightlifting sa 33rd Southeast Asian Games sa Chonburi, habang lumapit sa panibagong gintong medalya ang SIBOL Esports sa Mobile Legend: Bang Bang sa Sala Phra Kieo sa Chulalaongkorn University sa Bangkok. 


Patuloy na ipinakita ni Ando ang  puwersa sa pagbuhat ng ginto sa women’s 63 kilograms para sa kabuuang 229 kgs mula sa 98 kgs  sa snatch at 127 sa clean and jerk tungo sa  ikalawang sunod na kampeonato na napagwagian sa 2023 Cambodia meet sa 59kgs category.


Tuluyang nakuha ng Pilipinas ang unang ginto sapol ng kapusin si Ian Albert Delos Santos sa silver medal sa men’s 71kgs noong Linggo at bigo rin sa medalya si Olympics first gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo sa women’s 58kgs.

 

Nadala siguro sa first attempt, mahirap talaga i-lift ‘yung first attempt na nandoon lahat ‘yung kaba, ang dami mong iniisip paano mo siya i-lift. Tapos second attempt, sinabi ko sa sarili ko na alam kong kaya ko ito at binubuhat ko lang ito sa training,” wika ni Hangzhou Asian Games bronze medalist. “Pagdating sa clean and jerk, kailangan ko kunin ‘yung gold para may gold naman tayo ngayon,” dagdag ni Ando, na ginagabayan ni coach Ramon Celis.


Samantala, umabante naman ang SIBOL MLBB men’s national sa gold medal match sa MLBB Tournament matapos talunin ang Indonesia sa 3-1 sa semifinals upang lumapit sa asam na “Four-Peat.”


Ipinarada ng national squad ng Team Liquid na tangkang makuha ang ika-4 na sunod na kampeonato sa biennial meet sapol noong 2019 debut na ginanap sa bansa, kung saan kinatawan pa ito noon ng All-star cast na kinabibilangan rin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, na hanap ang kanyang ikalawang gintong medalya sa Esports SEA Games.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 15, 2024



Sports News
Image: UAAP Esports

Namayagpag ang De La Salle University at University of Santo Tomas sa makasaysayang pagbubukas ng pinakaunang UAAP Esports Tournament Martes sa Ateneo de Manila University. Sumosyo ang mga nasabing paaralan sa maagang liderato sa parehong NBA 2K at Valorant na senyales sa magiging takbo ng torneo. 


Sumandal ang DLSU Viridis Arcus kay Kegan Audric Yap na winalis ang kanyang apat na laro upang manguna sa Grupo B ng NBA 2K. Sa Grupo A, nanatiling malinis si Eryx Daniel delos Reyes ng UST Teletigers sa apat na laro. 


Ang 8 paaralan ay may tig-isang kinatawan sa bawat grupo na maglalaro ng single round o 7 beses. Ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa semifinals at finals na gaganapin ngayong Huwebes sa parehong lugar simula 10:00 ng umaga. 


Samantala sa Valorant, tinuldukan ng Viridis Arcus ang unang araw sa mainitang laban kontra matagal na karibal Ateneo Blue Eagles, 13-4 at 13-6, sa tampok na laro Grupo A.  Wagi ang FEU Tamaraws sa Adamson Falcons, 13-8 at 13-3, upang pormal na buksan ang kompetisyon.


Kinuha ng Teletigers ang liderato sa Grupo B sa bisa ng 13-6 at 13-9 tagumpay sa University of the East Zenith Warriors. Hindi nagpahuli ang University of the Philippines Fighting Maroons at pinaamo ang National University Bulldogs, 13-6 at 13-4. 


Magpapatuloy ang virtual barilan sa group stage ng Valorant ngayong araw.  Ang semifinals at finals ay gaganapin si Biyernes simula 10:00 ng umaga. 


Ang inaabangang Mobile Legends: Bang, Bang ay magsisimula sa Agosto 17 hanggang 21. Ang UAAP Season 87 Men’s Basketball Tournament ay magbubukas sa Setyembre 7 kung saan UP ang punong-abala at may temang “Stronger, Better, Together.” 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page