Ouano at Miranda champs sa Universal Open at NextGen U16

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | November 23, 2024
Nagmistulang punong-abala para sa husay ng mga bilyaristang Pinoy ang Thailand nang magkampeon sina Genesis Ouano at Apollo Miranda sa kani-kanyang larangan ng Universal Bangkok noong Sabado ng gabi.
Hinirang na hari si Ouano sa Open event matapos itong mangibabaw sa finals kontra kay Taiwanese Wu Kun Li, 11-10. Umahon ang hindi gaanong kilalang Cebuano mula sa 2-7 na bangin na pinaglagyan sa kanya ng batikang karibal mula sa Taiwan.
Nauna rito, bumangon din ang kampeon sa 7-10 na pagkakadapa bago nalusutan ang hamon ng kapwa Pinoy na si Jaycee Garcia sa semifinals ng torneong bahagi ng World Nineball Tour (WNT). Nagbulsa si Ouano ng pabuyang $15,000 bilang kampeon.
Ginawa ring tulay ni Ouano paakyat sa trono ang mga panalo laban kina Assis Tadique (11-8), Jundel Mazon (10-8), Anthony Raga (10-6), Ryosuke Maruoka (Japan, 10-5), Bobby Lee (Indonesia, 9-4), Vincent Goh (Singapore, 8-5), Tanut Makkamontree (Thailand, 8-1) at Kittisak Khemnark (Thailand, 9-6) para makontra ang nag-iisang pagkatalong natikman niya (Singaporean Tan Guo Nocholas, 8-9).
Sa kabilang dako, walang mantsa naman ang naging record ni Miranda sa paghablot niya ng titulo sa Universal Bangkok NextGen U16 International.
Winalis ni Apollo sina local ace at 2nd seed Vitoovanich Suppavich, 8-2, Achilles Miranda, 7-4, Singaporean Jian Jin Jerren Koh, 7-3, at Thai pride Sithayatam Methapum, 7-1. Halagang $2,000 ang naging gantimpala ng binatilyo.






Comments