Search
  • BULGAR

Pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa Thailand, alanganin ang kampanya ng PHL Azkals

Updated: Jan 8

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 7, 2021





Nagbunyi ang mga tagahanga ng Philippine Football sa patuloy na pagpirma ng kontrata ng mga Pinoy upang maglaro sa Toyota Thai League, ang sinasabing pinakamalaki at pinakamalupet na liga sa buong Timog Silangang Asya. Ito ay pahiwatig ng pagkilala ng mga Thai sa husay at galing ng kanilang kapitbahay subalit biglang nagkaroon ng hindi magandang balita.


Kamakailan ay naglabas ang Thai League ng pahayag na baka hindi makakapagpadala ang Thailand ng kanilang pinakamalakas na koponan sa parating na magkasunod na SEA Games at AFF Suzuki Cup sa katapusan ng 2021. Sa bagong kalendaryo ng liga, hindi obligado ang mga club na pahiramin ang kanilang mga manlalaro sa pambansang koponan dahil hindi ito kabilang sa petsa na inilaan ng FIFA sa international match.


Damay dito ang mahigit isang dosenang kasalukuyan at dating mga kasapi ng PHL Azkals. Itong Enero ay lalong dumami ang bilang sa pagdating nina OJ Porteria, Curt Dizon, Dennis Villanueva, Justin Baas, Mar Vincent Diano, Jesse Curran, Joshua Grommen at Jarvey Gayoso sa iba’t ibang koponan.


Sasamahan nila ang mga nauna nang sina Patrick Deyto, Michael Falkesgaard, Amani Aguinaldo, Patrick Reichelt, Iain Ramsay, Luke Woodland, Javier Patino, Kevin Ingreso, Alvaro Silva, Martin Steuble at Daisuke Sato. Lahat ay babad sa laro at mahalaga ang papel hindi lang sa mga koponan sa Thailand kundi lalo na sa Azkals.


Nabitin ang unang laro ng mga baguhan matapos iutos ng Thai League na pansamantalang ipagpaliban ang lahat ng laro nitong Enero bunga ng biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang lalawigan ng bansa. Ang mga laro ng liga ay umiikot sa mga tahanan ng 16 koponan.


Kung hindi magagawan ng paraan upang makuha ang serbisyo ng mga Pinoy sa Thailand, mapipilitan ang Philippine Football Federation (PFF) na magbuo ng mga koponan na kinabibilangan ng Philippine Football League (PFL). Maliban sa Thailand, malabo rin na papuntahin angAzkals sa Europa sa pangunguna ni numero unong goalkeeper Neil Etheridge na abala sa team niya Birmingham City.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.