Pagtaas ng kaso ng namamatay sa rabies, tutukan
ni Ryan Sison @Boses | Marso 4, 2024
Naaalarma ang Department of Health hinggil sa dumaraming kaso ng rabies virus at naitatalang namatay dahil dito.
Partikular na tinukoy ng DOH-Bicol Center for Health Development ang patuloy na pagtaas ng rabies cases sa naturang region, kaya naman nagtakda sila ng programang “Rabies: One Health, Zero Death” sa buong rehiyon nito.
Batay sa datos ng DOH-Bicol CHD, na pinamumunuan ni Undersecretary at Concurrent Regional Director Dr. Nestor Santiago, noong 2022, 16 ang naitalang namatay sanhi ng rabies sa buong rehiyon. Nitong 2023, 26 naman ang nai-record na nasawi na tumaas ng 162.5%, na karamihan ng kaso ay dahil sa kagat ng aso.
Mas nakakabahala ang lumabas na datos sa Albay dahil sa unang dalawang buwan pa lamang ng 2024 ay nakapagtala na ng 5 namatay sa rabies virus, kung ikukumpara sa 5 nasawi sa buong taon ng 2023.
Sinabi naman ni Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) Chief Jan Edmund Dominic Bailon ng Provincial Health Office (PHO), 2 ang namatay mula sa bayan ng Pio Duran, na ang pinakahuling biktima ay isang 9-anyos na bata na hindi agad nagpabakuna ng anti-rabies dahil hindi sinabi sa kanyang mga magulang na nakagat siya ng asong gala.
Habang sa mga bayan ng Tiwi, Bacacay at Jovellar ay nakapagtala ng tig-iisang nasawi sa
rabies.
Gayunman, bilang tugon sa pagtaas ng mga kaso ng nadadale ng rabies sa Albay, itinakda ng DOH-Bicol CHD ang Rabies: One Health, Zero Death program, kung saan unang ilulunsad ito sa Provincial Agriculture Office sa Camalig, Albay, sa March 14, 2024. Kasunod nito, sa
Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, Masbate at Catanduanes.
Patuloy din ang DOH sa kanilang hakbang upang maipabatid sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng anti-rabies sakaling makagat ng hayop.
Ang rabies ay isang viral disease na nakakaapekto sa central nervous system. Ito ay karamdamang sanhi ng virus na nagdudulot ng ensipalitis sa mga hayop na maiinit ang dugo.
Naililipat ang sakit na ito sa pamamagitan ng laway galing sa may rabies na hayop patungo sa tao kapag nakagat nito.
Kung tutuusin, walang gamot ang rabies na mula sa hayop na infected nito at talagang nakamamatay kung hindi maaagapan.
Pero, kung agad na magpapabakuna ng anti-rabies, mapoprotektahan at malalayo sa peligro ang buhay ng taong nakagat ng hayop na may rabies.
Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay magsagawa ng mga programa kung saan dapat suyurin ang mga nagkalat na mga hayop sa mga lansangan, lalo na iyong mga asong gala, hulihin ang mga ito, ilagay sa maayos na kulungan at alagaan para hindi makakagat at makapinsala. Payo din natin sa mga pet owner na maging responsable sana sa inyong mga alagang hayop. Mahalin, pakainin at alagaan silang mabuti. Huwag ninyong pabayaan o hayaan na lamang dahil kayo rin ang mahihirapan kapag nakaperhuwisyo ang mga ito sa iba.
At sa mga kababayan, maging maingat sana lagi tayo habang iwasan nating makagat ng anumang hayop para hindi tayo kakaba-kaba na tamaan ng rabies.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments