Pagtaas ng hawahan ng virus, batayan!
ni Ryan Sison - @Boses | December 28, 2021
Muling tumaas ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ito ang sinabi ng OCTA Research Group, kung saan naitala sa 0.70 ang reproduction number sa Metro Manila noong Disyembre 22, mas mataas sa 0.42 noong Disyembre 15.
Ayon sa OCTA, nakita rin ang naturang pagtaas ng reproduction number bago ang holiday season noong nakaraang taon, pero bumaba sa mismong holidays at tumaas ulit pagsapit ng unang linggo ng Enero.
Samantala, sunud-sunod na rin ang pagtaas ng positivity rate o bilang ng nagpopositibo sa tine-test sa COVID-19 sa buong bansa.
Mula noong Disyembre 21, muling sumampa sa higit 1% ang positivity rate at patuloy itong tumataas, ngunit hindi pa umano ramdam sa mga ospital ang pagdami ng mga kaso dahil pababa pa rin ang paggamit ng intensive care unit (ICU).
Bagama’t pasok pa rin ang positivity rate sa benchmark na itinakda ng World Health Organization (WHO) na 5% para masabing kontrolado pa ang sitwasyon sa COVID-19, hindi tayo dapat makampante, lalo pa’t kapansin-pansing dagsa na naman ang mga tao sa mga pasyalan.
Sa ngayon, nasa Alert Level 2 ang bansa, kung saan pinahihintulutan ang ilang mga establisimyento at aktibidad sa 50% capacity kung indoors, pero para lamang sa mga fully vaccinated at 70% capacity naman kapag al fresco.
Kaya payo ng mga eksperto sa publiko, upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng virus, manatiling vigilante at sundin ang COVID-19 safety protocols habang patuloy pa rin ang selebrasyon ng holiday season.
Pakiusap lang din sa mga kinauukulan, bantayang mabuti ang hawahan. Kung may mga hakbang na kailangang ipatupad, gawin na natin upang mapaghandaan ang mga puwedeng mangyari.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments