Pagtaas ng bilang ng mga batang obese, posibleng tumaas pa ngayong pandemya
- BULGAR

- Sep 30, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 30, 2020
Nahaharap ngayon sa malaking pagsubok ang ating mga magulang dahil sa nalalapit na pagbubukas ng klase kung saan obligado silang tutukan ang kanilang mga anak dahil sa distance learning at sa pag-babantay sa kalusugan ng mga ito.
Nababahala ang Department of Health (DOH) dahil sa patuloy na pagdami ng kabataang tumataba o sobra sa timbang dahil lamang sa kapabayaan o maling sistema ng pagpapalaki ng ilang magulang.
Isa sa mga nakikitang dahilan nito ay sobrang pagkahilig sa gadget na karaniwang ginagawang pampatahan ng mga magulang sa umiiyak nilang mga anak kasabay nang pagbibigay ng pagkain.
Noong nakaraang taon ay nagsumite ako ng panukalang batas na dapat magkaroon ng karagdagang physical activities at traditional games sa K to 12 curriculum at umuusad na ito ngayon.
Ito ang S. No. 1121, “An Act Providing for the Mandatory Inclusion of Anti-Obesity Education Program and Exercise including Play and Traditional Games, in the Pre-School, Elementary and High School Curricula, Both in Public and Private Schools and Educational Institutions”.
Dapat nating itaas ang kamalayan, pagpapahalaga at reponsabilidad ng tao para sa kanyang sariling kalusugan, na dapat magsimula sa murang edad upang mapalakas ang pundasyon ng malusog na pamumuhay at maingganyo na maiwasan ang mga karamdaman.
Kaso ay inabot tayo ng pandemya at imposibleng maisakatuparan natin ang mga pisikal na aktibidades para sa ating mga mag-aaral dahil lahat ay obligadong sa tablet na lamang magsasagawa ng klase.
Dahil bawal lumabas ng bahay ang mga edad 20 pababa kabilang na ang mga mag-aaral ay malaki ang posibilidad na magsitaba ang maraming mga bata na walang lugar para makapaglaro ng pagpapawisan.
Idagdag pa ang madalas na food delivery sa mga tahanan dahil sa maraming takot na lumabas kaya ang resulta puro pampatabang pagkain ang kanilang nilalantakan habang nakababad sa gadget.
At maging sa mga laptop o tablet mismo ay sandamakmak na ang advertisement hinggil sa pagkain na bago pa man din mabuksan ng mag-aaral ang nais niyang buksan ay kailangang tapusin niya muna ang patalastas o pindutin ang skip ad.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute (FMRI), 5 porsiyento ng mga bata na may edad 0-5 at 8.3 porsiyento ng mga batang may edad 10-19 ay sobra sa timbang, samantalang 31.1 porsiyento ng mga mas may edad ay nagdurusa sa clinical obesity.
Ayon sa mga pag-aaral, ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga batang may edad na 0-5 ay patuloy ang pagtaas at ang average na 0.17 porsiyento taun-taon sa loob ng nagdaang 24 na taon ay patuloy pang lumalala.
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa ilang buwan bago pa nagkaroon ng pandemya kaya inaasahang mas lalala pa ito sa panahong wala na talagang mapagpilian ang mga bata kug hindi ang maupo, mag-gadget at kumain.
Dito na hinihingi ng eksena ang papel na ginagampanan ng ating mga magulang na dapat huwag ipagwalang bahala ang hindi masyadong paggalaw ng inyong mga batang anak dahil tiyak na sila ay mapapahamak.
Mas sakitin umano ang batang mataba kumpara sa isang batang katamtaman lamang ang timbang at sa oras na magbalik na sa normal ang pag-aaral ay karaniwang tampulan pa ng tukso ang mataba ng kaniyang mga kaklase.
Bukod sa pisikal na karamdaman ay nagkakaroon pa ang isang batang mataba ng inferiority complex dahil ikinukumpara sa siya sa biik.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments