Pagsusunog ng solid wastes
- BULGAR
- Feb 15, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 15, 2021
Dear Chief Acosta,
Bagong lipat kami sa aming barangay. Tuwing hapon, naglilinis at nagsusunog ako ng mga tuyong dahon at maliliit na sanga ng puno sa likod ng aming bakuran. Dahil malawak ang nabili kong lupa, wala akong kapitbahay sa malapit na maaaring maapektuhan ng usok nito. Pinagsabihan ako ng aking kakilala na bawal diumano ito. Nais ko lang malaman kung may batas ba na maaaring magparusa sa aking gawain. – Erwin
Dear Erwin,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R. A.) No. 9003, o mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Nakasaad sa Seksiyon 48 (3) nito ang sumusunod:
“Section 48. Prohibited Acts - The following acts are prohibited.
x x x
3) The open burning of solid waste;”
Ayon sa Rule III ng Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas, ang kahulugan ng solid waste ay “all discarded household, commercial waste, non-hazardous institutional and industrial waste, street sweepings, construction debris, agricultural waste, and other non-hazardous/non-toxic solid waste. xxx”
Samakatwid, ipinagbabawal ng batas ang pagsusunog o pagsisiga ng mga tuyong dahon at maliliit na sanga ng puno sapagkat ang mga ito ay itinuturing na mga solid wastes. Nakasaad din sa batas na ito na ang sinumang lumabag ay maparurusahan ng kulong ng isang araw hanggang 15-araw. Maaari rin silang magmulta ng halagang P300 hanggang P1, 000. Maaari ring maipataw ang parehong kaparusahan batay sa diskresyon ng korte.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments