top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagsunod sa protocols at pagbabakuna, sandata laban sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 14, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 14, 2022



Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa mga eksperto, ito ay sanhi ng mas nakahahawang Omicron variant na nananalasa rin sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Marami na rin sa healthcare workers ang tinamaan at ginagawa ng gobyerno ang lahat upang maiwasan ang pagdami ng mga taong namamatay o nagkakaroon ng mas malubhang COVID-19. Isa na ay ang pagsigurong tuluy-tuloy ang pagdating ng mga bakuna at pagpapabilis ng ating vaccination rollout.


Sa ngayon, maraming lugar sa bansa ang isinailalim sa Alert Level 3 dahil sa sitwasyong ito.


Ang nais nating gawin ay magkaroon ng balanse sa ating kalusugan at ekonomiya.


Huwag sana nating hayaang mag-lockdown dahil nais nating umahon ang mga negosyo sa kabila ng paghihirap nitong nakaraang dalawang taon.


Ang balanseng itp ay maninigurado rin na hindi babagsak ang healthcare system. Nakita natin ang paghihirap ng mga healthcare workers sa panahong ito. Kung wala sila, wala tayong mapupuntahan sa oras ng ating mga pangangailangan sa kalusugan.


Tulungan natin ang isa’t isa. Gustung-gusto na nating bumalik sa normal. Ang tanging landas lang patungo sa dating mas komportableng pamumuhay ay ang pagsunod sa wastong health protocols at pagbabakuna. Ito ang pamamaraan upang ipakita ang tunay na kahulugan ng bayanihan.


Ang public health ay responsibilidad nating lahat at hindi lamang ng gobyerno, kaya gawin natin ang ating parte at maging bahagi ng solusyon. Palawakin natin ang ating kaalaman sa mga sintomas ng sakit at kung may nararamdaman man, mas mabuting iwasan na ang paglabas ng bahay para wala nang mahawaan. Huwag mag-panic, pero huwag din maging kumpiyansa. Sa kabila ng pananalasa ng mas nakahahawang sakit, kailangan pa nating doblehin ang pag-iingat.


Sa mga hindi pa nababakunahan pero kuwalipikado naman, magpabakuna na sa pinakamalapit na vaccination center sa inyong lugar. Para naman sa mga bakunado na at kuwalipikado nang kumuha ng booster, magpaturok na rin ng booster. May mga pag-aaral ang mga eksperto na ang booster ay makapagbibigay ng karagdagang proteksiyon laban sa mas nakahahawang Omicron variant.


As of January 12, masaya nating ibalita na ang Pilipinas ay nakatanggap na ng kabuuang 213.65 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19. Nakapagturok na rin tayo ng mahigit 116.28 milyong doses, kung saan may 53.91 milyong Pilipino na ang fully vaccinated at may 58.27 milyong kababayan naman natin ang nakakuha na ng kanilang first dose. Meron ding mahigit 4.11 milyong booster shots ang naiturok na.


Samantala, mula Enero 8 hanggang Enero 10, tinulungan natin ang 2,300 indigent families sa Lucban, Quezon; 1,400 market vendors, TODA members at indigent families at 400 solo parents sa Olongapo City at Subic, Zambales; 46 fire victims sa Bacoor City, Cavite; 50 na mga benepisaryo ng livelihood assistance sa Pinili at karagdagan pa na 101 sa Nueva Era sa Ilocos Norte.


Simula na ng bagong taon at ating patibayin ang katatagan at pagkakaisa laban sa pandemyang ito.


Sana ay ipagpatuloy natin ang pakikiisa sa gobyerno at malasakit sa kapwa Pilipino.


Malapit na nating malampasan ang pandemyang ito. Huwag nating sayangin ang mga sakripisyo sa nagdaang mga taon para tuluyan na tayong makaahon sa hirap at mabigyan ng mas komportableng buhay ang buong sambayanang Pilipino!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page