top of page

Pagsisikap ng taumbayan, tapatan ng tunay na malasakit!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 1, 2024
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 1, 2024


Sa gitna ng pagdarahop ng maraming Pilipino, makikita ang matinding pagsusumikap ng bawat ordinaryong mamamayan na magkaroon ng pagkakakitaan gaano man kahirap itong itaguyod para lamang makaraos sa araw-araw. 


Mababanaag ito sa mga naglipanang mga maliliit na kainan at mga puwestong nagtitinda ng samu’t saring pantawid-gutom at iba’t ibang mga kalakal sa halos bawat sulok at kalye ng mga siyudad lalo na sa Metro Manila. 


Napadaan nga kami kamakalawa sa Arellano Street sa Maynila at talaga namang hindi na halos makausad ang aming sasakyan dahil sa kabi-kabilang mga food stall at talipapa. Sa rami ng mga puwestong ito na bukas hanggang gabi, tila piyesta ang lugar at parang may peryahan rin na hindi nawawalan ng mga tao sa labas. 


Gayundin sa San Andres Bukid, mas marami nang mga maliliit na kainan at mga coffee shop, lugawan, bilihan ng mga laruan ng mga bata at iba pa na talaga namang nagpapakita kung paano nagpapakatatag sa paglikha ng pagkikitaan ang mga residente. 


Samantala, sa C-5 Service Road sa Taguig City ay talaga namang hitik na rin sa mga kainan na pang-masa at may sobrang mura bagama’t kaunti lamang ang ulam na ibinudbod naman sa maraming kanin na nakakabusog na rin. 


Kaya rin dumarami ang mga kainan at tindahan ng pagkain dahil dumarami na rin ang mga tahanang hindi na pinipiling magluto lalo na kung dalawa o tatlo lang naman sila.


Sa pagod pa lamang sa pagkokomyut at sa trabaho, itutulog na lang ang dapat gugugulin sa pagluluto at paghuhugas ng kaldero at pinggan. Higit sa lahat, mas mahal pa ang mamalengke at bumili ng lulutuing ulam, gulay, pati na pansahog at pantimpla kaysa sa bumili ng lutong ulam na may libreng sabaw pa. 


Sa gitna ng sariling kayod at pagsisikap ng mga Pinoy na mabuhay na marangal, lalo na ang mga walang kakayanang makapangibang bansa para kumita ng dolyar, maririnig naman ang mga usapan sa mga maliliit na kainang ito ng panawagan at pag-asam na magkaroon ng malalim na pagbabago ang sistema sa Pilipinas na kalaunan ay makapagpapabuti ng buhay ng lahat na walang maiiwanan. 


Hindi rin lagi naiiwasang maulinigan sa iba’t ibang sulok at umpukan ang pagtatanong kung ano nga ba ang ginagawa ng mga tinatawag na lingkod-bayan sa kasalukuyan at pagpuna sa nakabibinging katahimikan at nakadidismayang kawalan ng malasakit ng mga ito sa gitna ng abang kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan. 


Samantala, napapailing na lamang ang karamihan sa mga oo na lamang ng oo o wala man lang ipinapahayag na oposisyon sa mga bagay na dapat sana ay maringgan man lang sila ng pagkamaka-Pilipino. 


Kaya ang tanong ng marami, ilan pa ba ang talagang tatayo at maninindigan ng tunay at malalim para sa bayan? Sa mga kasalukuyang masalimuot na mga usapin, madaragdagan pa ba ang makikipaglaban para sa kapakanan ng mamamayan?


Nagmamatyag ang taumbayan sa bawat sulok na kanilang kinaroroonan!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page