Pagdami ng jobless sa ‘Pinas, epekto ng korupsiyon, hindi ng bagyo
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 18, 2025

PANUKALANG ANTI-DYNASTY NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE PABOR SA POLITICAL DYNASTY KAYA DAPAT I-REJECT ITO NI PBBM – Sa mga lawmakers na nagsulong ng anti-political dynasty, malamang na 'yung panukala nina Presidential Son, Ilocos Rep. Sandro Marcos at Speaker Bojie Dy ang ipasa ng Senado at Kamara, kasi ang ipinagbabawalan lang ay magkaroon ng magkakapamilyang senador at magpalit-palitan sa puwesto ang magkakamag-anak, pero pinapayagan naman ang mga political family na magkaroon ng tig-iisang posisyon, puwedeng senador si tatay, governor si nanay, kongresista sa district 1 si kuya, sa district 2 si ate, at district 3 si bunso, mayor sa iba't ibang city at municipality sina lolo, lola, tito, tita, pinsan.
Kaya kung sakali na ito ang ipasa at kung seryoso si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) na tuldukan na ang political dynasty, dapat i-veto o i-reject niya ang anti-political dynasty version nina Cong. Sandro at Speaker Bojie. Period!
XXX
DAHIL NAGPABAYA SA TUNGKULIN, DAPAT SAMPAHAN NG KASONG DERELICTION OF DUTY SI RET. OMBUDSMAN MARTIRES PARA MAKULONG SIYA AT MATANGGALAN NG PENSYON – Itinalaga ng noo'y Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Ret. SC (Supreme Court) Associate Justice bilang Ombudsman noong Agosto 2018 para magsagawa ng imbestigasyon at sampahan ng kaso ang mga tiwaling pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan, pero hindi niya ginampanan ang iniatang na tungkulin sa kanya na nagdulot upang lumala ang korupsiyon sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, lalo na ang kurakutan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan ng mga kurakot na senador, kongresista at mga contractor.
Ubod nang laking pera ng bayan ang na-scam mula 2026 hanggang 2025, pumalo ito sa higit P1.3 trillion kaya hindi dapat palampasin ng Marcos admin ang pagpapabaya sa tungkulin ni Ret. Ombudsman Martires, dapat siyang sampahan ng kasong kriminal at administratibo na dereliction of duty para makulong siya ng mula 6 months hanggang 6 years at matanggalan ng kanyang pensyon. Boom!
XXX
ZALDY CO AT MAG-ASAWANG DISCAYA, WALANG PLANONG ISOLI SA KABAN NG BAYAN ANG KANILANG MGA NINAKAW KASI NI-SINGKO, WALA RAW SILANG KINUHA AT MALINIS DAW KANILANG MGA KONSENSYA – Ilang DPWH officials na ang umamin na nagnakaw sila sa kaban ng bayan, kaya isinasauli na nila sa pamahalaan ang mga ninakaw sa pera. Pero sina former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya ay tila walang planong umamin na sila ay mga kurakot, walang plano na isoli sa gobyerno ang mga ninakaw nila sa kaban ng bayan.
Sa kabila kasi na may mga ebidensyang nagnakaw sila ay patuloy silang nagmamalinis, ika ni Zaldy Co ay taga-deliber lang daw siya ng kickback kina PBBM at Leyte Rep., former Speaker Martin Romualdez na kesyo ni-singko raw ay wala siyang ninakaw sa pera ng bayan, at sa parte naman ng mag-asawang Discaya, malinis daw ang kanilang konsensya, na kesyo nadamay lang daw sila sa mga ikinakaso sa kanila. Buset!
XXX
ANG TOTOONG DAHILAN KAYA DUMAMI ANG JOBLESS AY DAHIL SA TALAMAK NA KORUPSIYON AT HINDI DAHIL SA MGA BAGYO – Pang-uunggoy lang sa publiko ang sinabi ni Sec. Bienvenido Laguesma na kaya raw dumami ang mga Pinoy na walang trabaho sa ‘Pinas ay dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa.
Ang totoo kasing dahilan kaya dumami ang jobless ay dahil umatras na ang mga foreign investors na magtayo ng negosyo sa ‘Pinas dahil sa talamak na korupsiyon sa gobyerno. Period!








Comments