top of page
Search
BULGAR

Pagsasama ng menor-de-edad at matanda, ilegal

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 11, 2023


Dear Chief Acosta,


Napansin ko na ang aking kapitbahay ay may kinakasama na mukhang bata pa. Nang minsan kong nakasabay ang nasabing babae ay tinanong ko siya kung ilang taon na siya at nabanggit niya na siya ay 16 taong gulang lamang. Sila diumano ay nagsasama sapagkat sila ay pinilit na ipagsama ng kanilang mga magulang kapalit ng kanyang pagpapaaral sa nasabing babae. Hindi ba ito pang-aabuso sa bata? Mayroon bang batas na nagbabawal dito? - Jasmine


Dear Jasmine,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) No. 11596 o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof”. Layunin ng nasabing batas na ihinto at pigilan ang anumang kasal sa pagitan ng isang bata at matanda. Ayon sa batas, ang isang bata (child) ay isang tao na may edad na mababa sa 18 taong gulang o kahit na labing-walong taong gulang o higit pa, ay walang kakayanan na pangalagaan ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, pagmamalupit, at diskriminasyon dulot ng kanyang pisikal o mental na kondisyon. Ipinagbabawal din ng nasabing batas ang pagsasama o cohabitation ng isang bata at nakatatanda. Ito ay nasa Seksyon 4 ng nasabing batas na nagsasaad na:


“(c) Cohabitation of an Adult with a Child Outside Wedlock. – An adult partner who cohabits with a child outside wedlock shall suffer the penalty of prision mayor in its maximum period and a fine of not less than Fifty thousand pesos (P50,000.00): Provided, however, That if the perpetrator is a public officer, he or she shall likewise be dismissed from the service and may be perpetually disqualified from holding office, at the discretion of the courts: Provided, finally, That this shall be without prejudice to higher penalties that may be imposed in the Revised Penal Code and other special laws.”


Higit pa rito, ang mga paglabag sa nasabing batas ay kinokonsiderang isang “public crime.” Ito ay nangangahulugan na ang sino man, kahit na isang “concerned citizen” ay maaaring maghain ng reklamo laban sa paglabag ng nasabing batas. Ayon sa Seksyon 5 ng nasabing batas:


“Section 5. Public Crimes. – The foregoing unlawful and prohibited acts are deemed public crimes and be initiated by any concerned individual.”


Base sa mga nasabing probisyon, maaaring kasuhan ang iyong kapitbahay ng paglabag sa R.A. No. 11596 dahil sa ginagawa niyang pakikisama bilang asawa sa isang menor-de-edad. Bilang isang “concerned citizen,” maaari mong i-report ang iyong kapitbahay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o direktang ihain ang reklamo sa Office of the City Prosecutor na nakasasakop sa inyong lugar.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Recent Posts

See All

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page