top of page
Search
BULGAR

Pagpupugay sa mga nagsipagtapos na mag-aaral, magulang at guro

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 7, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hunyo na at nagdaraos ang mga paaralan ng programa ng pagtatapos o graduation. Ang okasyong ito ang isa sa pinakainaasam ng mga mag-aaral at mga magulang o tumatayong magulang, kabilang ang inyong lingkod. 


Ang pagmamartsa, ang pormal na pagkakaloob ng diploma, mga medalya at parangal sa mga karapat-dapat ay kinasasabikang mga sandali. Nag-uumapaw ang mga emosyon, nangingilid ang mga luha, naghuhumiyaw sa kaibuturan ng puso ang pasasalamat sa Maykapal. 


Ang okasyon ay pagbubuklod ng mga binuong pangarap, mga pagpupunyagi, pagsasakripisyo, mga gabing walang tulog, mga yakap na mahigpit, at matimyas na paglingon sa mga nararapat pasalamatan. Ang bawat segundo ay pagbabalik-tanaw sa mga pinagdaanang hindi mawari kung paano nga ba nalampasan at napagtagumpayan. 


Ang sentro at karapat-dapat parangalan ay hindi lamang mga nagsipagtapos, kundi pati ang kanilang mga nanay at tatay, at nagsisilbing magulang, mga propesor at guro, mga kaagapay sa paaralan, mga sumuportang kamag-aral at kaibigan.


Bukod sa kanila ay nagsisilbing bida rin ng seremonya ang panauhing pandangal, na siyang tagadispensa ng payo sa mga handa nang makipagsapalaran sa inog ng mundo at makabagong panahon. 


Nararapat bigyan ng pagpupugay ang mga propesor, sila na nagtiyagang magturo sa iba’t ibang paraan sa kanilang mga estudyante. Napakarangal ng kanilang propesyon, hindi lang dahil sa kanilang ginagawang pagpukaw ng isipan, talino at talento ng kabataan kundi pati ang pagpapatuloy nila sa mithiin, kahit lugi basta’t magampanan ang misyon sa buhay. Sana’y huwag kalimutan ng bawat gradwado ang kanilang mga mentor anuman ang kanilang marating sa buhay. 


Nakapaloob din sa mga taong ginugol ng mga estudyante sa pag-aaral ang mga hindi matatawaran o hindi matutumbasang pagsasakripisyo ng mga magulang at guardian para sa minimithing kinabukasan ng kanilang anak. Nariyan na ang panaka-nakang pag-utang sa maaaring matakbuhan matapos masaid ang laman ng pitaka at alkansya.


Nariyan ang pagtitiis, gaya ng pagtitipid sa sariling pagkain upang hindi gutumin ang nag-aaral na anak, o ang pagkayod sa kabila ng pagod at puyat para magkaroon ng dagdag-kita. Hindi rin dapat kalimutan ang maraming magulang na nakikipagsapalaran sa ibang bansa, na tinitiis ang panlulumbay para mapag-aral ang anak. 


Sa isa pang banda, ang pagtatapos ng mga mag-aaral ay hudyat ng panimula ng kanilang pagtuntong sa kalakaran ng totoong buhay. Ang nakamit na diploma ay maaasahang kalasag para makausad; tila isang tulay kung saan buo ang loob na makatatawid -- mula sa pagiging bata at walang muwang tungo sa mayroong alam at may pakialam. 


Maging simbolo rin ang bawat seremonya ng pagtatapos ng ating sama-samang panawagan sa pamahalaan, sa administrasyong Marcos Jr., sa Department of Education sa ilalim ni Vice-President Sara Duterte at sa Commission on Higher Education sa pangunguna ni Chairman Prospero “Popoy” de Vera, na tumbasan at higitan ang ginagawang sakripisyo ng mga magulang upang mas marami pa ang makapagtapos at makaabot ng kanilang mga minimithing pangarap. 


Samantala, pagbabalik-tanaw at pasasalamat sa ilang mga pinagpipitagang unibersidad na naging bahagi ng ating kamalayan: ang University of the Philippines kung saan ako nagtapos, ang De La Salle University at University of Santo Tomas, kung saan nagsipagtapos ang aking mga anak, ang Manila Times College kung saan tayo panandaliang nagturo, at ang University of the East, na mahalagang bahagi ng aking buhay. Isang taos-pusong pagsaludo at pagpupugay sa inyong kontribusyon sa lipunan!

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page