Pagpatay ng hayop sa relihiyosong ritwal
- BULGAR

- 16 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Kamakailan, nakakita ako ng video kung saan may isang aso na pinapatay bilang bahagi ng relihiyosong ritwal. Ayon sa video, sinasabi na ang ritwal na ito ay magdudulot ng mabuting kalusugan. Sinabi pa nga na legal ito dahil bahagi diumano ito ng isang relihiyosong seremonya. Nagsaliksik ako tungkol sa relihiyong ito at nalaman kong hindi ito isang legal na relihiyon sa Pilipinas, kundi isang grupo lang ng mga taong may kakaibang paniniwala. Legal ba ang pagpatay ng aso bilang bahagi ng relihiyosong seremonya? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. – Klaori
Dear Klaori,
Mula pa noong 1998, nagkaroon ang Pilipinas ng mga alituntunin para tiyakin at pangalagaan ang kapakanan ng mga hayop. Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 8485 o mas kilala bilang Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10631, ipinagbabawal ang pagpapahirap, pagpapabaya, pang-aabuso, pagmamaltrato, o pagpatay sa anumang hayop nang walang pahintulot mula sa Committee on Animal Welfare. Nakasaad sa Section 6, Paragraph 1 ng parehong batas:
“Section 6. It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance or shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dogfights or horsefights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare.”
Gayunpaman, pinapayagan ng batas ang ilang pagkakataon kung saan ang pagpatay sa hayop ay maaaring ituring na legal. Nakasaad sa mga sumusunod na talata ng Section 6 na:
“The killing of any animal other than cattle, pigs, goats, sheep, poultry, rabbits, carabaos, and horses is likewise hereby declared unlawful except in the following instances:
When it is done as part of the religious rituals of an established religion or sect or a ritual required by tribal or ethnic custom of indigenous cultural communities; however, leaders shall keep records in cooperation with the Committee on Animal Welfare;
In all the above mentioned cases, including those of cattle, pigs, goats, sheep, poultry, rabbits, carabaos, horses, deer and crocodiles the killing of the animals shall be done through humane procedures at all times.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang pagpatay sa aso para sa relihiyosong ritwal ay maaari lamang kung ito ay bahagi ng ritwal ng isang itinatag na relihiyon. Kung mapatunayang ang seremonya ay ginawa sa labas ng relihiyon, maaaring pagmultahin o ipakulong, ang mga taong lumahok sa seremonya alinsunod sa Section 9 ng parehong batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments