top of page

Pagpapatupad ng supplemental feeding program, mas maraming araw, mas mainam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 2, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2026, isinulong ng inyong lingkod na gawing 200 imbes na 120 ang bilang ng araw para sa pagpapatupad ng supplemental feeding program ng ahensya.Kung babalikan natin ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037), mandato sa DSWD, sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units, na magsagawa ng supplemental feeding program sa mga day care center para sa mga batang tatlo hanggang limang taong gulang na kulang sa nutrisyon.


Mahalaga ang programang ito, lalo na’t marami sa mga batang wala pang limang taong gulang ang humaharap sa kakulangan sa nutrisyon. Kung babalikan natin ang pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na isa sa tatlong batang wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. Epekto ang stunting ng kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay — mula sa sinapupunan hanggang sa ikalawang kaarawan ng isang bata. 


Sa ilalim ng batas, hindi dapat bumaba sa 120 araw ang bilang ng araw para sa supplemental feeding program ng DSWD. Ngunit batay sa ating mga obserbasyon, nararanasan ng mga benepisyaryo ng programa ang tinatawag nating summer slide, kung saan muling nagkukulang ang kanilang timbang pagkatapos ng summer vacation. 

Kaya naman iminumungkahi nating dagdagan ang araw ng feeding program upang umabot ito sa 200 araw, katumbas halos ng isang buong school year. Sa ganitong paraan, mas mapapanatili natin ang kalusugan ng mga benepisyaryo at maiiwasan natin na muling magkulang ang kanilang timbang.


Upang matiyak na maipapatupad ng mga LGUs ang supplemental feeding program, iminumungkahi rin natin sa DSWD ang mas maigting na pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Ayon kasi sa ahensya, 45% ng mga LGUs ang hindi nakakatanggap ng pondo para sa feeding program dahil sa mga isyu sa liquidation.


Mahalaga ang pakikipag-uganayan ng DSWD sa DILG, lalo na’t responsibilidad na ng mga LGUs ang pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD). Nakasaad ito sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), kung saan minamandato ang DILG na tiyaking ipinapatupad ng mga LGUs ang mga programa para sa ECCD.


Muli namang naninindigan ang inyong lingkod na tututukan ng panukalang 2026 national budget ang edukasyon. Patuloy din nating hinihikayat ang ating mga kababayan na tuluy-tuloy lang ang pagbabantay sa pagtalakay ng panukalang 2026 national budget upang matiyak na inilalaan natin sa tamang mga programa ang ating binabayad na buwis. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page