top of page

Pagpapatayo ng mga klasrum, tuluy-tuloy lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 54 minutes ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 4, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong nakaraang Hulyo, nalaman natin na kulang ng 147,000 ang mga silid-aralan sa buong bansa. Napakahalaga ng pagkakaroon ng sapat na classroom dahil sa mga espasyong ito hinuhubog ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Kung nananatiling kulang ang ating mga silid-aralan, hindi makakapagturo nang maayos ang ating mga guro, hindi matututo ang ating mga mag-aaral, at magpapatuloy ang krisis sa edukasyon.


Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, nananatiling prayoridad natin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Nagdagdag ang Senate Committee on Finance ng P19.3 bilyon sa P48.7 bilyon na inilaan sa ilalim ng General Appropriations Bill (House Bill No. 4058) para sa mga classrooms. 


Umabot na sa halos P68 bilyon ang pondong ilalaan natin para sa pagpapatayo ng mga classrooms, mas mataas na ng halos limang beses kung ihahambing sa P15.25 bilyon na inilaan ng National Expenditure Program. Gamit ang pondong ito, makakapagpatayo tayo ng 19,000 hanggang 27,000 na mga silid-aralan.


Bagama’t malayo pa ito sa kabuuang kailangan nating mga silid-aralan sa buong bansa, mahalagang ipagpatuloy ang pagpapatayo ng mga classroom hanggang sa mapunan natin ang pangangailangan.  


Ngunit hindi lang tayo basta maglalaan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga classroom. Simula sa susunod na taon, gagamit na tayo ng iba’t ibang paraan upang makapagpagawa ng mga silid-aralan. Hindi na lamang ang Department of Public Works and Highways ang maaaring magtayo ng mga classroom. 


Pahihintulutan natin ang Department of Education (DepEd) na magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa mga local government units (LGUs) at mga Civil Society Organizations (CSOs) upang magpatayo ng mga silid-aralan. Sa mga lugar, kung saan may hamon pagdating sa peace and order, maaaring magkaroon ang DepEd ng MOA sa Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers.


Papayagan na rin natin ang mga public-private partnership (PPP) para sa pagpapatayo ng mga classroom. Sa katunayan, naglaan tayo ng P160 milyon para sa site development activities ng mga proyekto sa ilalim ng PPP. Gamit ang iba’t ibang mga paraang ito, sabay-sabay na makakapagpatayo ng classrooms ang iba’t ibang sektor at maaaring mas marami tayong magagawang silid-aralan sa susunod na taon.


Noong nagsimula ang talakayan para sa 2026 national budget, nanindigan ang inyong lingkod na ang budget na ito ay tututok sa edukasyon. Dahil maituturing na pangunahing pangangailangan ang mga classrooms, tiniyak nating mabibigyan ito ng prayoridad sa susunod na taon. Patuloy nating tutukan ang mga nalalabing araw ng pagtalakay sa 2026 national budget at sama-sama nating tiyaking itataguyod nito ang kapakanan ng ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page