Pagpapatayo ng mga klasrum, madaliin
- BULGAR

- Sep 18
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 18, 2025

Kailangan nating bilisan ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Ito ang malinaw nating mensahe noong tinalakay natin kamakailan ang panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.
Nababahala ang inyong lingkod na hindi sapat ang bilang ng mga naipapagawa nating mga classroom upang matugunan ang kakulangan nito. Sa kasalukuyan kasi, nasa 157,815 ang kinakailangan nating mga silid-aralan na dapat gastusan ng P494.1 bilyon upang maipatayo ang mga ito.
Ngunit kung titingnan natin ang datos, lumalabas na wala pa tayong natatapos sa 5,298 na classroom na target ipatayo para lamang sa taong ito.
Samantala, 4,359 o 82% pa ang sumasailalim sa validation o pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Para naman sa taong 2024, 605 pa lamang o 8% sa target na 7,210 na silid-aralan ang naipapatayo ng DepEd.
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), P15.25 bilyon ang nakalaan para sa pagpapatayo ng 4,689 na classroom.
Nitong mga nagdaang buwan, patuloy nating isinusulong ang iba’t ibang mga paraan upang mapabilis pa nating lalo ang pagpapagawa ng mga silid-aralan. Sa kasalukuyan ay DPWH lamang ang maaaring makapagpatayo ng mga ito. Isa sa mga iminumungkahi natin ang pagpapatupad ng counterpart program kasama ang mga local government unit (LGU).
Sa ilalim ng naturang programa, parehong maglalaan ang national government at LGU ng pondo para sa pagpapagawa ng mga classroom. Samantala, ang LGU ang magpapatayo ng mga silid-aralan. Kung sabay-sabay na gagawin ito ng ating mga LGU, mas marami tayong maipapatayong silid-aralan.
Isinusulong din natin ang aktibong pakikilahok ng pribadong sektor sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP). Iminumungkahi rin natin ang pakikipag-ugnayan sa mga non-government organizations, lalo na’t nakita nating kaya nilang magpatayo ng mga silid-aralan gamit ang mas mababang halaga. Sa kasalukuyan, inaabot ng humigit-kumulang P3.06 milyon ang karaniwang ginagastos ng ating pamahalaan sa bawat classroom na ipinapagawa.
Para sa 2026 national budget, isusulong natin ang pagkakaroon ng special provision, kung saan pahihintulutan natin ang DepEd na gamitin ang mga paraang ito sa pagpapatayo ng classroom.
Muli, hinihikayat ko ang ating mga kababayan na tutukan ang pagtalakay natin sa national budget. Maaari rin nating isumite sa pamamagitan ng budget transparency portal ng Senado ang ating mga suhestiyon at pagsusuri sa national budget. Sa ganitong paraan, mapapalakas natin ang pakikilahok ng ating mga kababayan sa pagtalakay ng national budget.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments