top of page

Pagpapatayo ng child development centers sa mga munisipalidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 8, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 8, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga kababayan dahil nakatakdang magpatayo ng 328 na child development centers (CDCs) sa mga fourth at fifth class municipalities sa ating bansa. Kasunod ng paglagda ng isang joint memorandum circular sa pagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd), inanunsyo rin ang paglaan ng isang bilyong pisong pondo para sa pagpapatayo ng mga CDC na ito.


Ang naturang pondo para sa pagpapatayo ng mga CDCs na ito ay nakalaan sa ilalim ng local government support fund (LGSF) mula sa 2025 General Appropriations Act. Ikinagagalak natin ang balitang ito, lalo na’t noong tinatalakay natin ang Early Childhood Care and Development System Act na isinulong ng inyong lingkod, una nating iminungkahi ang paggamit ng LGSF para sa pagpapatayo ng mga CDC sa fourth and fifth class municipalities.


Bahagi ang mungkahi nating ito sa niratipikahang bersyon ng Early Childhood Care and Development System Act. Kung tuluyang maisabatas ito, taun-taon nang magkakaroon ng line-item allocation ang LGSF sa ilalim ng GAA para sa pagpapatayo ng mga CDC; hiring ng mga Child Development Teachers at Child Development Workers; at pagtugon sa pangangailangang dagdag na mga kawani sa mga fourth at fifth class municipalities. 


Mahalaga ang pagpapatayo ng CDCs na ito sa mga fourth at fifth class municipalities upang mapalapit natin sa mas marami pa nating mga kababayan ang mga programa at serbisyo para sa early childhood care and development (ECCD). Malinaw sa mga pag-aaral na inaangat ng mga programa at serbisyong pang-ECCD ang kakayahan at kahandaan ng ating mga kabataan pagdating sa kanilang pag-aaral. Kung mapapalapit natin ang mga programa at serbisyong pang-ECCD sa ating mga kababayan, mas mapapatatag natin ang pundasyon ng ating mga mag-aaral. 


Bagama’t mandato sa Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act No. 6972) ang pagkakaroon ng Day Care Center sa bawat barangay, lumabas sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na 5,800 barangay ang nananatiling walang CDC, at 229 sa mga ito ang mula sa mga low-income na mga local government units (LGUs).


Kung maging ganap na batas na ang Early Childhood Care and Development System Act, matutugunan nito ang kakulangan ng mga CDC at iba pang programa at serbisyong may ECCD. Pagsisikapan din nating maabot ang universal access sa mga programa at serbisyong pang-ECCD para sa mga batang wala pang limang taong gulang. 


Naniniwala ang inyong lingkod na kung maaayos natin ang ECCD sa bansa, malaking bahagi ng krisis natin sa edukasyon ang malulutas. Kaya naman patuloy nating pagsisikapang maipatupad ang mga repormang magbibigay ng matatag na pundasyon para sa ating mga kabataan. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page