Pagpapaluwag ng kafala systema sa maraming bansa sa Gitnang Silangan, pabor sa ‘Pinas!
- BULGAR

- Nov 11, 2020
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | November 11, 2020
Paluluwagin na ng Saudi Arabia ang “kafala system” o “sponsorship system”.
Sa ilalim ng sistema ng kafala, hindi basta makakaalis o makalilipat ang mga empleyado nang walang pahintulot ng kanilang amo.
Pero, ngayon ay hindi na gaanong maghihigpit ang mga Arabo.
Klap, klap, klap!
◘◘◘
Sa bagong “Labor Relation Initiative” sa Saudi Arabia, mas magkakaroon na kalayaan o job mobility ang mga migranteng.
Tinatayang 865,121 Pinoy ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Matagal nang nagpapahirap ang “kafala” system sa OFWs!
◘◘◘
Ang sistemang ito ang ugat ng maraming kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa marami nating mga kababayan lalo na sa mga “domestic helpers”.
Pero, ipinaglaban ito ng Duterte Administration upang maisareporma ang kafala system!
◘◘◘
Buong tapang na ipinahayag ni P-Duterte noong 2018 na ang Pilipino ay hindi maaaring ituring na alipin ninuman saanmang bahagi ng mundo.
Sinabi niya ito ilang araw pagkatapos matuklasan ang bangkay ng OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis na nakadanas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang mga amo!
◘◘◘
Nagkaroon ng panandaliang pagpapahinto ng pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait at paglulunsad ng malawakang repatriation ng mga OFW sa Kuwait na gustong umuwi ng Pilipinas.
Sa panahong ito, si Cong. Alan Peter Cayetano ang nakatalagang pinuno ng Department of Foreign Affairs!
◘◘◘
Malinaw ang direktiba ni P-Duterte noong umupo si Cayetano na huwag pabayaan ang mga OFWs.
Naging kontrobersiyal ang mga kumalat na video na nagpapakita ng “rescue operations” ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait!
◘◘◘
Sa kanilang pagliligtas sa mga kasambahay na inaabuso, hindi ikinatuwa ng gobyerno ng Kuwait ang ganitong mga gawain dahil tila paglabag sa kanilang soberenya.
Noong kasagsagan ng isyu tungkol sa pagkamatay ni Demafelis at paglabas ng kontrobersiyal na video ng rescue operasyon, hindi natinag ang noong Pinuno ng Department of Foreign Affairs!
◘◘◘
Para sa DFA, itinuturing nilang matamis na tagumpay para sa Pilipinas na malamang sunud-sunod na ang pagluluwag ng kafala systema sa maraming bansa sa Gitnang Silangan.
Ang pinakahuli ay ang Saudi Arabia!
◘◘◘
Tuloy lang ang laban sa “kafala” o anumang sistema na nakapagpapahirap sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Bawat reporma ay makapagbibigay ng bagong pag-asa sa ating mga mga mahal na OFWs!





Comments