top of page

Pagpapalawig ng school feeding program, mainam para sa mas malusog na mag-aaral

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 4, 2025



Boses by Ryan Sison


Malinaw na ang gutom ay hindi lamang problema ng bawat sikmura, ito ay suliranin din ng edukasyon, at ng mismong lipunan. Kaya ang pagpapalawak ng Department of Education (DepEd) sa school feeding program sa 2026 ay hindi basta proyekto, isa itong magandang hakbangin upang tugunan ang isa sa mga pundasyon ng pagkatuto at sapat na nutrisyon. 


Sa pag-apruba ng Senado sa P28.66 bilyong budget, higit doble ng kasalukuyang pondo, mas marami nang batang Pinoy ang mapapasama sa programang kay tagal nang inaasam ng maraming paaralan. 


Sa nasabing pondo, target ng DepEd na pakainin ang 4.49 milyong mag-aaral, palawigin ang feeding duration sa 200 school days, at bigyang prayoridad ang wasted at severely wasted learners, kabilang ang mga buntis na kabataan. 


May nakalaan ding 45-araw na feeding para sa Junior at Senior High School, at 30-araw na intervention para sa adolescent pregnant students, isang mahalagang tugon sa lumalalang nutritional gap sa mga bata. 


Mismong si DepEd Secretary Sonny Angara na ang nagsabi na mas kaya ng mga bata na makinig, matuto, at magtagumpay kapag pumapasok sila nang may laman ang tiyan. Patunay rito ang universal early feeding para sa Kindergarten at Grade 1 ngayong taon, na nagresulta sa malaking pagbaba ng severely wasted Kindergarten pupils. Kapag kumain ang mga bata, umaarangkada ang kanilang talino at husay. 


Sa kabilang banda, hindi malinaw sa mga mambabatas ang posibilidad ng mas malawak na programang sasakop sa lahat ng learners mula Kindergarten hanggang Grade 6, pati na rin sa Junior at Senior High School. At may agam-agam kung kakayanin ba ng DepEd ang planong ito?


Aminado naman si DepEd Bureau of Learner Support Services Director Miguel Angelo Mantaring na wala pang sapat na kapasidad ang kagawaran para sa feeding program na sasakop sa tinatayang 26 milyong estudyante, gayunman bukas sila sa ganitong ideya at nagnanais na tugunan ang problema. 


Napakahalaga ng nutrisyon sa mga bata, pero dapat sabayan ito ng malinaw na logistics, mas maayos na kitchen facilities, at sapat na manpower upang hindi naman masakripisyo ang kalidad ng kanilang edukasyon. 



Sa kabutihang-palad, pinalalakas na rin ng DepEd ang kanilang imprastraktura para rito sa taong 2026, mula central kitchens hanggang mobile kitchen units. Isang indikasyon na unti-unti itong nagtatatag ng magandang programang pangmatagalan para sa nutrisyon ng mga kabataan.


Sa lipunang ang problema ng gutom ay hindi pa rin tuluyang nalulutas, ang feeding program ay hindi lamang tulong, ito ay investments in human potential. 


Kapag busog ang bata, umaarangkada ang talino, lakas, at pag-asa. Kaya ang pagpapalawig ng DepEd feeding program ay hakbang na nararapat nating suportahan. 

Nutrisyon ang unang hagdan ng pag-unlad, kung gusto nating umangat ang bayan, kailangan munang umangat ang kalusugan ng mga batang mag-aaral. 

Tandaan natin na ang isang lipunang busog ay lipunang malusog at may kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page