top of page

Pagpapalawak ng feeding programs, tiyak na benepisyo sa milyong mag-aaral

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 20, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Walang batang dapat mag-aral nang kumakalam ang sikmura. Kaya naman noong ipinasa natin ang makasaysayang pondo para sa sektor ng edukasyon ngayong 2026, tinutukan din natin ang pagpapalawak sa mga feeding program sa ating mga pampublikong mga paaralan at mga child development centers (CDCs).


Marami nang mga pag-aaral ang nagpapakita ng malalim na ugnayan sa pagitan ng nutrisyon at sa kakayahan ng ating mga mag-aaral. Sa gitna nito, nakakabahalang malaman na isa sa apat na batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad.


Ang stunting ay bunga ng kakulangan ng nutrisyon sa unang 2,000 araw ng buhay ng isang bata, mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan. Lumabas na rin sa maraming mga pag-aaral na nakakapinsala ang stunting sa kakayahan ng isang mag-aaral na matuto nang husto sa paaralan at magkaroon ng magandang hanapbuhay.


Bagama’t kailangang tugunan natin ang stunting sa pagdadalang-tao pa lamang, mahalagang tiyakin nating matutugunan pa rin natin ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga kabataan kahit umabot na sila sa dalawang taong gulang at nagsimula na sila sa pag-aaral. Sa ganitong paraan, maaari nang maiwasan ang marami pang pinsalang dulot ng kakulangan sa nutrisyon.


Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, umabot sa P25.7 bilyon ang natanggap na pondo ng SBFP ngayong taon. Mula 120 araw, inaasahang aabot na sa 200 araw ang feeding days sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) ngayong taon.Inaasahan ding 4.6 milyong mag-aaral ang makikinabang sa SBFP ngayong 2026. Patuloy ding susuportahan ng programa ang mga wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6. Umabot naman sa P9.6 bilyon ang inilaan sa Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Mula 120 araw, aabot na sa 180 araw ang feeding days ng naturang programa.


Inaasahang makikinabang dito ang 1.8 milyong mag-aaral. Saklaw nito ang mga batang 3 hanggang 5 taon sa mga CDCs, pati na ang mga batang 2 hanggang 4 na taong gulang na nasa ilalim ng supervised neighborhood play (SNP) program.


Ilan lamang ito sa ating mga pagsisikap upang itaguyod ang kalusugan ng ating mga kabataan upang maging matagumpay sila bilang mga mag-aaral at mga mamamayan ng ating bansa. 


Titiyakin nating ang bawat sentimong inilaan natin para sa mga programa ng pamahalaan ngayong taon, lalo na para sa sektor ng edukasyon, ay pakikinabangan nang husto ng ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page