Pagpapagamot sa leptospirosis at tetano, sagutin sana ng gobyerno
- BULGAR

- Jul 30, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 30, 2024

Isang mambabatas ang nagsusulong na ang pagpapagamot laban sa leptospirosis at tetano ng mga pasyenteng biktima ng mga kalamidad ay dapat na sagutin ng gobyerno o ng PhilHealth.
Ayon kay Deputy Majority Leader, Cong. Erwin Tulfo, katuwang ang mga kasamahang ACT-CIS Partylist, magiging malaking ginhawa ito para sa kanila lalo pa kung biktima sila ng kalamidad sa kanilang lugar.
Iginiit ni Tulfo na marami sa ating mga kababayan na wala nang makain dahil sa bagyo, pagbaha o ang iba naman ay naubos ang kanilang gamit dahil sa sunog, pagkatapos ay tatamaan ng leptospirosis o tetano, habang iisipin pa kung paano sila magpapagamot.
Isa pang problema aniya ay tila nakakaligtaan ng gobyerno ang pagpapagamot ng libre sa mga biktima o residente na tinamaan ng sakit sa paghupa ng kalamidad.
Paliwanag ni Tulfo, naka-focus kasi ang lahat ng effort natin habang may bagyo o sunog, kung saan tama naman pero kapag humupa na ang tubig o naapula na ang apoy, bahala na ang mga biktima sa pagpapagamot sa sarili o kapamilya nila.
Kaya naman ipinanukala niyang sagutin na ng PhilHealth ang pagpapaospital sa mga nadale ng leptospirosis o tetano dulot ng mga pagbaha sa kanilang lugar.
Mabuti ang layunin ng mambabatas na ilibre na ng kagawaran ang ating mga kababayan sa pagpapagamot o mga gamot laban sa leptospirosis at tetano na biktima ng kalamidad o sakuna.
Wala namang gustong tamaan ng nakamamatay na sakit na ito. Ang masaklap kasi, suliranin na nga nila ang maging biktima ng kalamidad tapos ay poproblemahin pa nila ang pagpapagamot sa sarili o pamilya sakaling tamaan ng naturang sakit.
Sana ay maisip ng kinauukulan na sagutin na lamang ang kailangang gamutan sa mga pasyenteng nakuha ang ganitong klase ng karamdaman nang sa gayon ay makabawas sa kanilang alalahanin at talagang makatulong para agad silang gumaling at makarekober.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments