ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 15, 2024
Dear Chief Acosta,
Nais ko sanang magsampa ng kaso laban sa aking kapitbahay sapagkat mayroon siyang utang na matagal na niyang hindi binabayaran. Sinubukan ko siyang personal na puntahan at kausapin, subalit wala siya lagi sa kanilang tahanan. Sinubukan ko rin siyang tawagan sa telepono at padalhan ng mga mensahe sa text at social media, ngunit hindi siya sumasagot. Hindi rin niya binubuksan ang aking mga mensahe. Ayon sa kanyang kasamahan sa bahay, bihira diumano talaga siyang umuwi. Sa palagay ko ay nagtatago siya sa akin. Maaari bang magpatuloy ang aking kaso kahit mahirap siyang mahagilap? — Erica
Dear Erica,
Mahalaga sa bawat kasong dinidinig sa korte na mapadalhan ng summons ang taong nararapat na sumagot sa mga alegasyon. Sa katunayan, ang pagpapadala ng summons ay bahagi ng pagkuha ng hurisdiksyon ng korte sa isang tao upang ang bawat order o decision nito ay maging epektibo laban sa kanya.
Makikita ang solusyon sa iyong suliranin sa Sections 5 at 6 ng Rule 14 of the Rules of Court, kung saan nakalahad na:
“Section 5. Service in person on defendant. — Whenever practicable, the summons shall be served by handing a copy thereof to the defendant in person and informing the defendant that he or she is being served, or, if he or she refuses to receive and sign for it, by leaving the summons within the view and in the presence of the defendant.
Section 6. Substituted service. — If, for justifiable causes, the defendant cannot be served personally after at least three (3) attempts on two (2) separate dates, service may be effected:
(a) By leaving copies of the summons at the defendant's residence to a person at least eighteen (18) years of age and of sufficient discretion residing therein;
(b) By leaving copies of the summons at the defendant's office or regular place of business with some competent person in charge thereof. A competent person includes, but not limited to, one who customarily receives correspondences for the defendant;
(c) By leaving copies of the summons, if refused entry upon making his or her authority and purpose known, with any of the officers of the homeowners’ association or condominium corporation, or its chief security officer in charge of the community or the building where the defendant may be found; and
(d) By sending an electronic mail to the defendant's electronic mail address, if allowed by the court.”
Sapagkat ang iyong nais sampahan ng kasong sibil, gaya ng usaping utang, ay kasalukuyang nagtatago at hindi mo tiyak ang kanyang pagbabalik, maaari mo pa rin siyang mapadalhan ng summons sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na “substituted service” upang tumakbo ang iyong kaso.
Nakalahad sa nabanggit na alituntunin ang mga paraan upang maging epektibo ang iyong ipadadalang summons gaya ng pag-iwan ng kopya ng summons sa tahanan ng taong nais mong kasuhan, o sa kanyang opisina o lugar kung saan siya nagtatrabaho o nagpapatakbo ng negosyo. Maaari mo rin siyang mapadalhan ng email kung ito ay papayagan ng korteng didinig sa inyong kaso.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments