'Pagmumultahin' ng WTA si Eala kapag pinili ang Asian Tour
- BULGAR

- 41 minutes ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | September 3, 2026

Photo: Committed na ang 21-year old Pinay Tennis star na si Alex Eala na maglaro sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre 20 pero maiiwan ang kanyang WTA tour sa America. (alexealafanspix)
Maaaring magmulta sa Women’s Tennis Association (WTA) si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala at makatanggap ng ‘zero-pointer ranking penalties’ sa pag-atras na lumahok sa isang WTA Tour ngayong buwan matapos ang 2026 US Open Championship kasunod ng unang commitment para sa PHL national team sa 20th Asiad sa Aichi-Nagoya, Japan.
Magsisimula ang Asian Tour matapos ang North-American hard-court swing, lalahok si Eala sa WTA 500 Singapore Open sa Set. 21. Gayunman, nagdesisyon si Eala na lampasan muna ang isa sa mga laro sa WTA 1000 Tour calendar bilang kinatawan ng Pilipinas sa Asiad sa Set. 19- Okt. 4.
Wala sa listahan ang pangalan ni Eala sa WTA 1000 China Open, na gaganapin sa Set. 30- Okt. 11 at dedepensahan ni World No. 10 Amanda Anisimova ng US ang korona. Hindi ito ang unang pagkakataon na kinatawan ni Eala ang Pilipinas sa multi-sports event tulad ng 2022 Hangzhou Asian Games, kung saan siya naka-2 tanso sa singles at mixed doubles at 33rd SEAG ginto sa singles at tanso sa Mixed doubles.
Ayon sa report tungkol sa patakaran ng organisasyon, ang mga manlalarong lumiliban sa mga event ng walang balidong medikal na rason o hindi tumutupad sa promosyon ay pinagmumulta, kaya makikita rito kung gaano kaimportanteng maglaro niya para sa bansa.
May sapilitang tuntunin ang WTA na obligadong lumahok ang mga nangungunang manlalaro sa lahat ng apat na Grand Slam, 10 mandatory WTA 1000 tournament, at hindi bababa sa anim na WTA 500 event sa bawat season.
Pagdating sa Zero-Pointer Penalty, ang hindi paglahok sa isang mandatoryong elite event ng walang aprubadong medical exemption ay nagreresulta sa pagpasok ng markang "0"—na hindi maaaring alisin o i-drop—sa talaan ng ranking ng manlalaro sa loob ng isang buong taon.
Idinagdag pa sa report na kapag kusang pinili ng manlalaro ang event ng national team kaysa mandatoryong event sa tour-level, hindi sila awtomatikong binibigyan ng exemption sa iskedyul.
Kailangan nilang sagutin ang multa sa WTA dahil sa hindi pagdalo sa slot ng torneo; parusa sa ranking na katumbas ng zero points, na direktang nakaaapekto sa kanilang seeding at mga opsyon sa pagsali sa hinaharap; at ang pagkawala ng pagkakataong makuha ang premyong pera at ranking points mula sa tour event na hindi nila sinalihan.





Comments