top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Pagmomotorsiklo, pang-siyam sa sampung nakamamatay sa bansa!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 3, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 3, 2021



Hindi pa rin nagbabago ang ulat ng Land Transportation Office (LTO) na ang pagmamaneho ng motorsiklo ang pang-siyam sa sampung dahilan ng nagiging kamatayan ng ating mga kababayan.


Dito ay labis-labis ang naging pakinabang ng ating mga kababayang nagmamaneho ng motorsiklo hinggil sa iniakda nating batas na obligadong pagsusuot ng helmet bago magmananeho ng motorsiklo.


Kung wala ang ating ‘helmet law’ na kapansin-pansing sinusunod ng maraming rider ay posibleng baka mas mataas pa ang ulat na ito ng LTO hinggil sa dami ng namamatay dahil sa napakataas na insidente ng aksidente.


Mahigit na kasi sa pitong milyong rehistradong motorsiklo ang meron tayo sa buong kapuluan na patuloy pang dumarami at tatlong milyong mas marami ang mga ito kumpara sa lahat ng klase ng umaandar na sasakyan sa kalye.


Ang ulat ng LTO ay ibinase sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang pagmomotorsiklo ay kasama nga sa sampung nakamamatay sa ating bansa ngunit ito lamang ang tanging hindi natural na kamatayan.


Unang-una ay ang Ischemia o ang kakulangan ng suplay ng dugo sa internal organ ng ating katawan partikular sa heart muscles kaya tinawag ito top killer ng mga Pinoy ayon sa maraming manggagamot.


Sumunod dito ang cancer, pneumonia, cerebrovascular diseases, hypertension, diabetes, iba pang heart ailments, respiratory tuberculosis, chronic lower respiratory infections at diseases of the genitourinary system.


Ayon naman sa ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nasa 31, 279 ang naitala nilang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo sa loob lamang ng isang taon at pumapatak ng 86 kaso kada araw.


Nasa 16, 367 ang iniulat na damage to property, 221 ang fatal at 14,691 sa injury hindi pa umano kabilang sa ulat ang mga insidenteng hindi na pinaabot sa tanggapan ng MMDA.


Umabot naman sa 14,553 ang bilang ng mga taong minalas sa iba’t ibang klase ng aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo kabilang na ang nag-iingat, hindi nag-iingat at walang kinalaman sa pagmomotorsiklo.


Ang driver na namatay ay 154, angkas na namatay 36, pedestrian na namatay 22, driver na sugatan 9,655, angkas na sugatan 2,546 at pedestrian na sugatan ay 2,140.


Mataas na porsiyento ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo ay isinisisi sa tinatawag nilang ‘kamote riders” na ayon sa depenisyon ng awtoridad ay unfit, dangerous, ignorant, stupid at suicidal.


Ang nakakatakot, marami sa mga kamote riders ay kasama natin araw-araw sa kalye na bigla na lamang sumusulpot dahil walang pakundangan sa paglusot sa kaliwa man o kanan.


Nakakasira ito sa marami nating kababayan na nagmamaneho ng motorsiklo na maayos na sumusunod sa batas-trapiko, disiplinado at may pakundangan sa kapwa motorista.


Ito ‘yung matitinong rider na dumaan sa tamang proseso nang pagkuha ng lisensiya at sinubukan muna ang kakayahang magmaneho bago pinayagan ng LTO sa kalye.


Hindi maitatangging hanggang sa kasalukuyan ay naglipana pa rin ang mga fixer sa tanggapan ng LTO na naglalakad ng lisensiya sa mga hindi marunong magmaneho at katunayan ay apat ang nahuli sa tanggapan ng LTO-Marikina ilang linggo pa lamang ang nakakaraan.


Kaya akmang-akma ang isinumite nating panukalang-batas (SBN-451) na Teaching of Basic Road Safety and Comprehensive Drivers Education as part of K to 12 Program para ‘yung susunod na henerasyon ay marunong nang magmaneho, alam ang batas-trapiko at hindi na mabibiktima pa ng fixer.


May panukala na baka puwede nang hindi magsuot ng helmet sa mga secondary road at sa tumatakbo ng mas mababa sa 40 kph, pero lubhang napakadelikado pa rin nito dahil may insidente na nakahinto ‘yung nakamotorsiklo nang banggain ito ng truck at dahil walang suot na helmet ay nabasag ang bungo nito.


Meron pa nga, hindi pa nakakaalis ang rider pero nakasakay na sa kanyang automatic na motorsiklo nang biglang pihitin ng bata ang selinyador sa manibela, ayun lumipad ‘yung motorsiklo, nabagok at nasawi ‘yung rider dahil walang suot na helmet.


Napakadelikado nang nagmamaneho ng motorsiklo, kahit nag-iingat ka kung minsan at hindi naman nag-iingat ang sumusunod sa ‘yo ay puwede ka pa ring maaksidente kaya napakahalaga ang may suot na helmet malayo man o malapit ang pupuntahan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page