Pagmamahal sa Inang Bayan ang tunay na pagiging makabayan
- BULGAR
- Oct 16, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 16, 2021
Mahalaga sa lahat ang pagkakaroon ng malinaw na paningin. Saanman pumunta, kailangang makita ang iyong dinaraanan at nilalakaran. Kailangang makita kung may balakid, lubak, mapanganib at hindi ligtas na bahagi ng daan, sa harapan o gilid man, at iba pa.
Ganito kahalaga ang ating pisikal na mga mata para sa lahat ng ating paglalakbay, kung maglalakad man o gagamit ng iba’t ibang uri ng sasakyang panlupa. Kaya sa pagkuha ng lisensiya sa pagmaneho, napakahalaga ng kalagayan ng mga mata. Hindi maaaring magmaneho o makakuha ng lisensiya ang naturang “legally blind.” Ngunit, hindi lang sa paglalakbay patungo sa anumang lugar ang nangangailangan ng malinaw at mapagkakatiwalaang mga mata. Kung nais maging makabuluhan at may pakinabang ang buhay, kailangang malinaw at maayos ang iyong paningin o mas angkop, ang iyong pananaw.
Nakilala natin si Chito Gascon noong 1982, siya’y estudyanteng edad 18 sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay masayahin at punumpuno ng pangarap para sa mahal na Inang Bayan at mamamayang Pilipino. Kahit seryoso at maselan ang usapan, hindi siya maririnig na magtaas ng boses o magmura. Palagi itong mahinahon at sukat na sukat ang mga salitang kanyang ginagamit. Noong siya ay estudyante na ng abogasya, madalas ito lumahok sa mga kilalalang debate sa ibang bansa. Isa na ang Jessup Cup, ang kilalang “moot court competition” ng mga mag-aaral ng abogasya sa iba’t ibang bansa.
Malinaw na hindi takot at kayang-kaya ni Chito ang malalaking hamon noong ito ay batang mag-aaral pa lamang. Kasagsagan na ng Martial Law, kasalukuyan itong lumalahok sa iba’t ibang pagkilos laban sa abusado at nakamamatay na administrasyon ng mag-asawang diktador, o ang Conjugal Dictatorship (of Ferdinand and Imelda Marcos) na titulo ng isinulat na libro ni Primitivo Mijares. Isa si Chito sa mga ma-gaaral ng Unibersidad ng Pilipinas na nangarap bumuno ng partidong naninindigan sa mga prinsipyo ng “Christian Humanism” o ang Kristiyanong Pananaw sa Tao. Kasama ng iba pang mag-aaral sa UP, binuo nila ang nagkakaisang tugon na lumaban sa SAMASA, ang isa sa matagal at matibay na samahan ng mga mag-aaral ng UP. Malaki at ambisyosong pangarap ang labanan ang SAMASA, ngunit lumaban sina Chito kasama ang iba pang may pangarap na mag-aaral. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natalo ang kandidato ng SAMASA sa pagka-Pangulo ng UP Student Council at nanalo si Chito Gascon.
Pagkatapos ng EDSA Uno, kung saan isa si Chito sa mga lider-kabataan na lumaban sa diktaduryang Marcos, naging pinakabatang kasapi si Chito sa Constitutional Convention na sumulat ng Saligang Batas ng 1987. Naranasan din niya ang maging kinatawan ng mga Kabataan sa Batasang Pambansa. Marami pang ibang matataas at mahahalagang posisyong hinawakan si Chito. Kahanga-hanga kung paano nito dinala ang kanyang sarili sa pagtupad ng mga posisyong ito. Ngunit sa gitna ng lahat ng karangalan at kapangyarihang dulot ng mga iba’t ibang posisyong hinawakan ni Chito, kahit minsan ay hindi ito yumabang at lumayo sa mga kaibigan kahit sa karaniwang mamamayan.
Samantala, noong mga unang buwan ng 2018, palagi tayong inaanyayahan ni Chito na magmisa at tulungan siya sa pagbibigay ng espirituwal na pananaw ang Commission on Human Rights.
Pinakiusapan din niya akong magbigay ng “Meditation and Breathing Classes” sa mga empleyado ng CHR. Madalas nating tinulungan at basta lamang dinalaw upang kumustahin si Chito. Dahil dito, higit kaming naging magkaibigan na madalas magbahaginan ng pananaw at pangarap para sa Inang Bayan.
Noong umaga ng ika-15 ng Setyembre 2021, nag-usap kami ni Chito tungkol sa plano ng LakaRun para sa Bagong Misyon ng susunod na 500-taon. Seryoso, ngunit masaya ang aming usapan tungkol sa pagkalap ng kabataan para maging misyoneryo ng Bagong Misyon ng susunod na 500-taon. Sa gitna ng halakhakan, napag-usapan at napagkasunduan pa rin namin ang anumang kailangang gawin.
Naririnig pa rin natin ang iyong masaya’t mapangarap na tinig Chito. Buhay na buhay ang iyong halakhak at pangarap sa aking puso. Paalam mahal na kaibigan. Salamat ginagalang na masayang mangangarap ng Inang Bayan.





Comments