top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Paglutang ng mga kakandidato sa 2022, ‘di na mapigilan

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 6, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | April 06, 2021



Hindi na maiwasan ang paglutang ng mga kakandidato sa 2022.


Nahahati sa dalawang grupo ang mga aspirante sa pagkapangulo.


Pro-Digong at anti-Digong!


◘◘◘


SA mga kontra sa administrasyon, pinakalantad si VP Leni.


Sinusundan nina Sen. Grace Poe, Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Mayor Isko!


◘◘◘


SA pro-Duterte, hindi maiiwasang mabanggit, siyempre, sina Mayor Inday Sara, Sen. Bong Go, Sen. Manny Pacquiao at ex-Sen. Bongbong Marcos.


Isinasama natin si Pacquiao sa pro-Duterte dahil siya mismo ay pangulo ng PDP-Laban na siyang aktuwal na bandera na ginamit ni Duterte nang magwagi sa 2022 presidential elections!


◘◘◘


SI Mayor Sara ay may sariling partido at ito ay ang Hugpong ng Pagbabago na lantarang pro-Digong.


Isang NP naman si Marcos pero lantaran siyang sumusuporta sa Malacañang!


◘◘◘


PDP-Laban din si Sen. Go na ginamit niya sa pagkandidato bilang senador at sinasabing lider din ng paksiyon sa loob ng PDP-Laban.


Pero, ang PDP-Laban ay pinamumunuan ni Pacquiao katuwang si Sen. Koko Pimentel!


◘◘◘


MARAMI ang nakakapansin na nasa likod ni Sen. Go ang ilang grupo ng PDP-Laban na sinasabing nagsusulong na ikandidatong bise -presidente mismo si P-Digong.


Nagbubunsod ito ng pagkakahati ng Partido ni P-Duterte na pinaglilideran ni Pacquiao!


◘◘◘


WALANG bendisyon ni Pacquiao ang ulat na isinusulong ng PDP-Laban ang pagkandidato ni P-Digong bilang bise-presidente.


Ibig sabihin, may lihim na tumatalikod sa kanyang liderato.


Kumbaga, puwedeng masuntok siya mula sa likuran!


◘◘◘


NILULUTO ang susunod na laban ni Pacquiao laban kay Terrence Clawford kung saan tinatayang kukubra siya ng halos isang bilyong pisong premyo.


Sobra-sobra ito sakaling gamitin niya sa pagtulong sa mga biktima ng krisis!


◘◘◘


PERO, hindi pa makakakilos si Pacquiao hangga’t hindi natatapos ang nakatakda niyang laban sa taong ito.


Nauunahan siya ngayon ni Sen. Go na makaikot sa buong bansa kung saan sinisikap na itayo ang “Malasakit Center” sa lahat ng lalawigan at bayan sa Pilipinas!


◘◘◘


MAKAKARIBAL nina Go at Pacquiao bilang aspirante mula sa maka-Digong si ex-Sen. Marcos.


Sa huling desisyon ng Korte Suprema, mas pinaboran ng mga mahistrado si VP Leni kaugnay sa VP election protest na isinampa ng kampo ni Marcos!


◘◘◘


MAY ilang ulat na lihim na naimpluwensiyahan ang mga mahistrado kaya’t natimbog si Marcos pero ang suspek ay hindi mula sa oposisyon, bagkus ay mula sa Malacañang.


Nais ng paksiyon sa Palasyo na mapaliit ang tsansa ni Marcos na mabasbasan ni P-Digong na bahagi ng lihim na maniobrahan sa loob ng “pro-administration candidates”!


◘◘◘


SAKALI kasing magwagi si Marcos sa protesta, lalaki ang tsansa nitong maendorso agad ni P-Digong sa 2022.


Dahil malabo sa protesta, lumaki ang tsansa ng ilang aspirante sa pro-Duterte faction na mapaboran ni P-Digong imbes na si ex-Sen. Bongbong!


◘◘◘


SA ngayon, wala pang linaw kung sino ang idedeklara ni P-Digong bagaman ikinakalat na binasted na si Pacquiao pero walang linaw kung papabor ang pangulo kay Marcos.


Hindi naman nagsasalita si Mayor Sara at maging si Sen. Go ay tameme hinggil sa isyu kung saan—diretso lang siya sa pakikipag-ugnayan sa mga LGU executives sa mga nagdaang buwan!


◘◘◘


NAGHIHINTAY ang oposisyon kung sino ang mamanukin ni P-Digong, sino ang magiging ikatlong kandidato at kung sino ang magiging unity candidate ng oposisyon?


Sakaling mawasak din ang oposisyon at magkawatak-watak ang pro-Digong, mauulit ang senaryo sa nakaraang presidential race—posibleng magwagi uli ang isang “dark horse” gamit uli ang “plurality of votes” imbes na majority decision.


‘Yun lang!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page