Paglaya ng person deprived of liberty matapos makumpleto ang sentensya
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 2, 2022
Upang panatilihin ang kaayusan at kapayapaan ng lipunan, ang Binagong Kodigo Penal o Revised Penal Code (RPC) at iba pang penal laws ay nagtakda ng mga krimen na maaaring ihabla ng biktima o ng Estado laban sa akusado. Ito ay diringgin ng hukuman kung saan ang hukom ay magpapataw ng karampatang sentensya nang naaayon sa batas. Kasunod nito, bubunuin ng person deprived liberty (PDL) ang ipinataw na sentensya sa loob ng itinalagang bilangguan.
Kung paanong kinikilala ng batas ang karapatan ng biktima o ng Estado upang maghabla, kinakailangan ding bigyang-pansin ang karapatan ng PDL matapos siyang mahatulan.
Malinaw na nakasaad sa Artikulo 89(2) ng RPC, na ang pananagutang kriminal ay ganap ng natatapos kasunod ng pagkumpleto ng PDL na bunuin ang sentensyang ipinataw ng hukuman. Kung kaya’t karapatan ng PDL ang agarang paglaya matapos niyang makumpleto ang kaniyang sentensya.
Ito ay binigyang-diin sa OCA Circular No. 201-2022 ng Kagalang-galang na Korte Suprema na nagtatakda na ang kriminal na pananagutan ng nahatulan ay nagwawakas sa oras na makumpleto niya ang pagserbisyo ng kanyang sentensya. Kapag sapat na napagsilbihan ng PDL ang sentensyang katumbas ng naging pagkakasala, walang labis, walang kulang, kalakip nito ang kanyang agarang paglaya. Sapagka’t anumang humigit pa rito ay hindi makatarungan. Hindi na kailangan pang mag-isyu ng Release Order ang hukuman para sa agarang paglaya ng PDL na (a) nakumpleto na ang kanyang sentensya at (b) wala nang iba pang legal na dahilan upang panatilihin siya sa loob ng bilangguan. Gayundin, kailangang palayain ang nasabing PDL na tumupad sa nabanggit na kondisyon sa (a) at (b), bagaman ang kanyang sitwasyon ay isa sa mga sumusunod:
Mga PDLs na hindi pa nababayaran ang multa na ipinataw at hindi nagpataw ang korte ng subsidiary imprisonment kung hindi mabayaran ang nasabing multa;
Mga PDLs na mayroong nakabinbin na petisyon para sa probation, o ang mga PDL na inuurong ang nasabing petitisyon;
Mga PDLs na nahatulan dahil sa paglabag ng Republic Act No. 9165 (RA No. 9165) o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at hindi pa sumasailalim ng rehabilitasyon at drug dependency examination na itinalaga ng hukuman, kung saan ang kakumpletuhan nito ay sang-ayon sa susunod na hakbang ng angkop na awtoridad ng pamahalaan.
Upang mabantayan ang pagpapatupad ng mga sumusunod, inaatasan ang mababang hukuman na atasan ang angkop na ahensya at lokal na pamahalaan na siyang may kustodiya sa mga PDLs upang magsumite ng ulat isang linggo bago matapos ng PDL ang kanyang sentensya. Gayundin, ang ulat ay kinakailangan magtala ng kadahilanan kung bakit ang mga PDLs na nahatulan sa ilalim ng RA No. 9165 ay hindi napasailalim sa rehabilitasyon at drug dependency examination upang matukoy ng hukuman ang susunod na hakbang. Ngunit anumang pagkaantala sa pagsumite ng mga nasabing ulat ay hindi dapat makahadlang kailanman sa paglaya ng mga kuwalipikadong PDLs.
Tulad din ng paghahalintulad ng kilalang eksperto sa Kodigo Penal, Kagalang-galang Luis B. Reyes, ang krimen ay tulad sa pagkakautang at ang kabayaran ay ang sentensya. Kung kaya’t matapos makumpleto ng PDL ang kanyang sentensya, siya ay bayad na sa kanyang pagkakautang.





Comments