top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Paglalakbay tungo sa susunod na 500-taon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 30, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 30, 2021



Muling naglakbay noong Miyerkules, ika-27 ng Oktubre ang Kabataan para sa Susunod na 500-Taon mula Parokya ng San Pedro Bautista sa San Francisco del Monte hanggang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8.

Samantala, noong sumunod namang araw ay naglakbay ang Kabataan ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo hanggang sa Parokya ng Banal na Krus sa Krus na Ligas sa Diliman, Quezon City. Dala ng mga ito ang Krus ng Paglalakbay at Misyon (Pilgrim, Mission Cross) na inukit ni Willy Tadeo Layug.


Maikli lamang ang paglalakad mula San Francisco del Monte hanggang Parokya ng Ina ng Laging Saklol, kung saan inabot lamang ito ng humigit-kumulang tatlong kilometro, samantala, inabot naman ng pitong kilometro ang paglalakad mula Ina ng Laging Saklolo sa Project 8 hanggang sa Parokya ng Banal na Krus sa Krus na Ligas. At 10 kilometro naman ang naging paglalakbay noong Miyerkules ng gabi. Ang paglalakad kinabukasan, mula Krus na Ligas hanggang Commission on Human Rights ay kulang-kulang dalawang kilometro lamang. Oo maiikli lang ang layo ng mga paglalakad, ngunit mayaman naman ito sa kabuluhan.


Isa na marahil ang LakaRun Para sa Bagong Misyon sa mga pinakaunang mahabaang pagkilos sa labas ng mga tahanan sa panahon ng pandemya. Salamat sa Diyos at unti-unting nagiging ligtas ang kapaligiran para sa lahat. Lubos na nahirapan ang lahat sa labis na paghihigpit sa mahaba at pilit na pinahahabang panahon ng paghihigpit ng lockdown. Malaking bagay ang pagbabawas ng paghihigpit at paglawak ng makikilusan ng lahat. Kailangan nang matutunan ng lahat na bumalik sa pagkilos, paglalakad o paglalakbay sa mundong bumubuhay at pumupukaw sa isip, diwa at kaluluwa ng bawat isa.


Sa bawat lugar na itinakdang dalawin sa pamamagitan ng lakad, takbo at sakay, pinagsisikapan nating tuparin ang limang sangkap na bumabalangkas sa Bagong Misyon ng Susunod na 500-taon.


Narito ang limang elemento ng Bagong Misyon sa susunod na 500-taon:


1. Paglalakbay mula lima hanggang 500 kilometro

2. Lima hanggang 500 kabataan na kakalapin at huhubugin

3. Lima hanggang 500 punla ng katutubong puno na itatanim

4. Limang kandila sa sumasagisag ng ating pagharap sa dilim

5. Palaging pagsisikap na panatilihin ang sindi


Pagtupad sa limang pananagutan:


1. Panibaguhin ang pananampalataya (renew the faith)

2. Pahalagahan ang dangal at karapatang-pantao ng lahat (re-affirm human dignity and human rights of everyone)

3. Ibalik ang kaugnayan sa kalikasan (reconnect with Nature)

4. Makipagkasundo, itaguyod ang kapayapaan at isulong ang mabuting pamamahala (reconcile, build peace and promote good governance)

5. Hubugin at patatagin ang mga kabayaan sa buhay ng misyon (re-empower the youth for mission)

Ipinaliliwanag natin ang lahat ng ito sa bawat lugar na narating natin. Binibigyang-diin ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor, lalo na ang kabataan na tumugon sa hamon sa Simbahang-Katolika ng susunod na 500-taon. Isa sa pinakamakasaysayan at makabuluhang pagtatanim ng Krus ng Paglalakbay at Misyon ay naganap sa Bulawagang Pepe Diokno sa Commission on Human Rights noong Huwebes.


Makabuluhan ito dahil naganap ito sa panahon ng pagluluksa ng buong Komisyon sa biglang pagkamatay ng kanilang pinuno na si Chair. Chito Gascon.


Sa tugon ni Commissioner Karen Dumpit, nagpasalamat ito sa hamon ng ibayong katapangan at lakas sa gitna ng patuloy na hamon sa gawain ng pagtataguyod at pagtatanggol ng dangal at karapatan ng bawat Pilipino. Makasaysayan ito dahil sa kakaibang panahon ng pandemya at nalalapit na pambansang halPalan para sa susunod na Pangulo. Dalawa sa limang pananagutan ang may malinaw na kaugnayan sa Commission on Human Rights, ito ang pangalawa,


“Pahalagahan ang dangal at karapatan ng bawat tao” at ang pang-apat “makipagkasundo, itaguyod ang kapayapaan at mabuting pamamahala.”


Namangha si Commissioner Dumpit nang malaman nito na nagsimula ang LakaRun para sa Bagong Misyon sa simbahan ni Santiago Apostol sa Betis, Pampanga. Paliwanag ng Commissioner na “ang Santiago Apostol ang patron din sa bayan ng yumao kong ama. At noong namatay ang aking ama noong ika-22 ng Hulyo, 2021 na gitna ito ng pagsasagawa ng Camino de Santiago de Compostela sa pagitan ng España at Pransiya.


At isa rin sa pinakahuling pulong ni Chair Chito Gascon sa Commission on Human Rights noong ika-15 ng Setyembre ay tungkol sa LakaRun para sa Bagong Misyon. At ang pinakahuling mensahe ni Chair Gascon sa akin ay “Salamat Father, Onward with the Camino. We fight for its principles in our hearts…. Amen!”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page