Paglalakbay sa kalbaryo ng pandemya
- BULGAR
- Mar 28, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 28, 2021
Kakaiba ang pagdiriwang ng Kuwaresma, hindi lang ilang araw ayon sa kalendaryo ng simbahan kundi ang patuloy na paglalakbay sa kalbaryo ng pandemnya na hindi pa rin natatapos kundi tila lumalala pa sa ating bansa.
Magsisimula na bukas, Lunes Santo ang matinding pagninilay, panalangin at pagsisikap na kilalanin ang mga kasalanan at kahinaan upang humingi ng tawad at muling simulan ang bagong buhay sa biyaya ng kapatawaran, paghihilom at pagliligtas ng Panginoon.
Muli nating babalikan ang buhay ng ating Panginoong HesuKristo upang muling pagnilayan at unawain ang pagtatagisan ng liwanag at dilim — biyaya at kasamaan sa buhay ng bawat tao, ng lipunan at ng buong mundo.
Maaari nating tingnan ang Mahal na Araw ngayong taong ito mula sa mga sumusunod na pananaw. Una, ang COVID-19 at ang kasalanang panlipunan, pangkalikasan at pambuhay. Nakamamatay ang COVID-19, gayundin ang kasalanan na kapwa kailangang labanan, harapin at paghandaan.
Pangalawa, tulad ng pandemya, kumakalat ang kasalanang panlipunan. Lumalaganap ang kasalanan at ang negatibong epekto nito sa hindi pagbigay ng tama at totoong impormasyon. Bakit patuloy na lumalala ang pagkalat ng COVID-19 at ng mga bagong variants nito sa ating bansa?
Pangatlo, bahagi ng wagas na paglilingkod ang hindi pag-aaksaya sa mga gamot, pagkain, salapi, ayuda at iba pang inilaan ng batas para puksain ang pandemya at tulungan ang taumbayan.
Pang-apat, isa ring mahalagang sangkap ng pagtugon ang oras o panahon. Nasa tamang oras ba ang ating pagtugon o napakaraming minuto, araw, linggo, buwan na dumaan at naaksaya sa karampatang pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan?
Panlima, pangunahing ugali na binibigyang-diin ng Mahal na Araw ay ang kababaang-loob ng Panginoon. Bagama’t kaya niyang gamitin ang kapangyarihan, tahimik niyang hinarap ang kanyang taga-usig.
Hindi kaya, ang tagumpay ng mga bansang natutuldukan na ang pandemya ay ang kababaang-loob ng kanilang pinuno? Hindi sila marahas, mapanghusga magsalita at palaging bukas sa puna at magandang panukala na inaalok sa kanila ng mga nagmamalasakit sa kapakanan ng lahat.





Comments