Paglalagay ni P-Digong ng mga retired military generals sa IATF, sablay!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 17, 2021
IMBES NA PAKALMAHIN, MISTULANG TINAKOT PA NI P-DUTERTE ANG PUBLIKO NA MARAMI PA ANG MAMAMATAY SA COVID-19—Tila magkakatotoo ang projection ng University of the Philippines-OCTA Research Group na sa katapusan ng Abril 2021 ay papalo sa mahigit isang milyong tao ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Pero imbes na pakalmahin ni P-Duterte ang publiko at sabihing gumagawa ng paraan ang kanyang gobyerno para makontrol ang pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, mistulang tinakot pa nang sabihin niyang, “Matagal pa ‘to (COVID-19), sabihin ko sa ‘yo, marami pang mamamatay,” boom!
◘◘◘
SA UNA PA LANG AY NAGKULANG NA SI P-DUTERTE DAHIL PALPAK ANG PAGTALAGA NIYA SA IATF NG MGA RETIRED MILITARY GENERALS—Ayon kay P-Duterte, hindi nagkulang ang kanyang administrasyon sa tugon sa mga problemang idinulot ng COVID-19 sa bansa.
Dahil sa sinabing ‘yan ni P-Duterte ay marami ang napataas ang kilay kasi sa totoo lang, sa una pa lang ay malaking pagkakamali na ang desisyon niyang retired military generals ang itinalaga niyang miyembro ng IATF (Inter-Agency Task Force) at hindi health experts dahil virus ang kalaban, na nagresulta kaya nagkanda-palpak-palpak ang tugon ng gobyerno sa laban kontra COVID-19, period!
◘◘◘
P-DUTERTE, ‘OO’ LANG NANG ‘OO’ SA MGA SINASABI NI DUQUE?—Sabi pa ni P-Duterte, abogado siya, hindi siya doktor, na kung ano ang sabihin sa kanya ng doktor na si Health Sec. Francisco Duque ay ‘yun ang kanyang susundin.
Ganu’n? Kahit palpak ang mga rekomendasyon, ‘oo’ lang nang ‘oo’ si P-Duterte sa mga sasabihin sa kanya ni Duque?
Kumbaga, parang sinabi ni P-Duterte na ang buhay ng mga Pinoy ay ipinagkakatiwala niya kay Sec. Duque, nakupo!
◘◘◘
IMBES NA MATAWA, NAGALIT PA ANG PUBLIKO KAY HARRY ROQUE NANG PALABASING KAMUKHA NIYA SI JAMES REID—Imbes na matuwa at matawa, pamba-bash ang inabot ni Presidential spokesman Harry Roque III sa netizens sa kanyang joke sa Facebook na bibili raw sana siya ng picture ng matinee idol na si James Reid, pero ang sabi ng tindera ay salamin na kinaroroonan ng kanyang mukha ‘yung kanyang tinutukoy na tila gusto niyang palabasin na kamukha niya ang aktor.
May puntong magalit ang publiko sa dami ng problema ng bansa, dapat seryosong tugon sa COVID-19 ang pino-post sa social media ng tagapagsalita ng pangulo, at hindi kalokohan, boom!





Comments