top of page
Search
  • BULGAR

Paglabag ng employer sa Labor Code

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 12, 2024



Dear Chief Acosta,


Ako ay isang security guard na sumasahod ng below minimum wage. Sinubukan kong lumapit sa Department of Labor and Employment (DOLE) para ireklamo at kanilang pagsabihan ang aking agency na mag-comply sa tamang pagpapasahod. Sinabihan ako ng DOLE na kakailanganin ang aking salaysay ukol sa mababang pasahod sa‘kin.


Nang nalaman ng aking agency ang pagdulog ko sa DOLE ay mas lalo pa nilang pinababa at idinelay ang aking sahod. May mali ba sa kanilang pagtugon sa aking naging aksyon? -- Bert


Dear Bert, 


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 118 ng Labor Code of the Philippines:


“Article 118. Retaliatory measures. It shall be unlawful for an employer to refuse to pay or reduce the wages and benefits, discharge or in any manner discriminate against any employee who has filed any complaint or instituted any proceeding under this Title or has testified or is about to testify in such proceedings.”


Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, labag sa batas para sa isang employer na tumangging bayaran o bawasan ang sahod at mga benepisyo ng kanyang empleyado, tanggalin o idiskrimina sa anumang paraan ang sinumang empleyado na nagsampa ng reklamo o nagpasimula ng anumang paglilitis na may kaugnayan sa “wages,” o nagpatotoo o tumestigo sa naturang mga paglilitis.


Sa iyong sitwasyon, kung ang iyong pagdulog sa ahensya ng gobyerno para ipatupad ang nararapat na pagpapasahod na naaayon sa ating batas, ay minasama naman ng iyong employer kaya’t ikaw ay binalikan sa pamamagitan ng pagpataw ng mas mababa at delayed na sahod, malinaw ang Article 118 ng Labor Code na nagsasabing ang naging tugon ng iyong employer ay labag sa batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page