Search
  • BULGAR

Paglaan ng deposito sa pribadong manggagawa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 21, 2021



Dear Chief Acosta,

Mayroon bang legal na basehan ang pagmamandato sa pribadong manggagawa na maglaan ng deposito sa kanyang pinagtatrabahuan? Gagamitin diumano ito kung sakaling mayroong masira o mawala ang manggagawa. – Armel


Dear Armel,

Sa pangkalahatan, hindi maaaring obligahin ng mga employer ang kanilang mga pribadong manggagawa na maglaan, magbigay o magpakaltas sa kanilang sahod bilang deposito na sasagot sakaling mayroong masira o mawala ang naturang manggagawa. Gayunman, pinapayagan ang patakaran na pagpapadeposito sa mga pribadong manggagawa kung likas ito sa uri ng negosyo ng employer o kung ito ay sadyang kinakailangan o makabubuti batay na rin sa determinasyon ng Kalihim ng Kagawaran ng Panggawa at Empleo (Department of Labor and Employment o DOLE). Ito ay alinsunod sa Artikulo 114 ng Labor Code of the Philippines:


“ART. 114. Deposits for loss or damage. - No employer shall require his worker to make deposits from which deductions shall be made for the reimbursement of loss of or damage to tools, materials, or equipment supplied by the employer, except when the employer is engaged in such trades, occupations or business where the practice of making deductions or requiring deposits is a recognized one, or is necessary or desirable as determined by the Secretary of Labor and Employment in appropriate rules and regulations.”


Mainam na tandaan din na sakaling mayroong nasira o nawala ang pribadong manggagawa na kung saan babawasan o kukunin ang bahagi o kabuuan ng kanyang deposito, kinakailangang mabigyan muna siya ng pagkakataong makapagpaliwanag at mapatunayan ding siya ay sadyang mayroong responsibilidad sa pagkasira o pagkawala na ipinararatang sa kanya. Ang limitasyon na ito ay batay sa Article 115 ng ating Labor Code:


“ART. 115. Limitations. - No deduction from the deposits of an employee for the actual amount of the loss or damage shall be made unless the employee has been heard thereon, and his responsibility has been clearly shown.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.