Pagkuha ng plastic license card, puwede na online
- BULGAR

- Jul 15, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 15, 2024

Para sa natitirang limang porsyento ng mga motoristang hindi pa nakukuha ang kanilang plastic-printed driver’s license, pinapayuhan ang mga itong gamitin na ang programa na inilunsad kamakailan.
Ito ang “Aksyon on the Spot 09292920865” ng Land Transportation Office (LTO), kung saan magiging mas mabilis ang pag-imprenta ng mga plastic card na lisensya ng mga driver dahil dito.
Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, maaaring i-scan o kuhanan ng litrato ng mga driver ang kanilang paper-printed driver’s license at ipadala ito sa Viber platform.
Sinabi ng opisyal na agad nilang ipi-print ang kanilang driver’s license sa Central Office (sa Quezon City) habang bibigyan din ng kagawaran ang mga ito ng opsyon kung nais nilang makuha ang kanilang plastic-printed driver’s license sa pamamagitan ng kanilang accredited courier service.
Batay sa pinagsama-samang datos ng LTO, nasa limang porsyento na lamang ng mga apektado ng backlog ang hindi pa nakakakuha ng kanilang plastic license cards.
Diin ni Mendoza, na-bid out o natugunan na kasi ang humigit-kumulang 9.7 milyong cards ng Department of Transportation (DOTr) at LTO. Kaya aniya, wala nang dahilan na hindi sila magkaroon ng sapat na supply ng mga license plastic card ng mga motorista para sa buong taon.
Mabuti at nareresolbahan na ang problema para sa milyun-milyong backlog ng mga plastik na lisensya.
Kahit paano ay nararamdaman natin na kumikilos ang pamahalaan at tinutugunan ang hinihintay-hintay ng ating mga driver na kababayan.
Batid naman natin na napakahalaga talaga ng lisensya sa mga driver. Ito kasi ang patunay na dokumento na may kakayanan at karapatan silang magmaneho ng anumang sasakyan. Pero siyempre,dapat na alam din ng bawat driver ang mga nararapat at ipinatutupad na batas-trapiko.
Sa kinauukulan, sana ay ipagpatuloy lamang ang pag-aksyon sa kinakaharap na mga suliranin at laging ipakita na ginagawa ninyo ang mga trabaho, nang gayon ay manatili ang pagtitiwala sa inyo ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments