top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagkuha ng natitirang suweldo ng tinanggal na OFW

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 12, 2024
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 12, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagtrabaho ako bilang isang overseas Filipino worker (OFW). Nakasaad sa aking kontrata na ako ay magtatrabaho sa loob ng isang taon. Bigla akong natanggal pagkatapos magtrabaho ng tatlong buwan at sapilitang pinabalik sa Pilipinas nang walang dahilan. Maaari ko pa bang makuha ang suweldo ko para sa natitirang siyam na buwan na nakasaad sa aking kontrata? — Joy 



Dear Joy, 


Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Sameer Overseas Placement Agency, Inc. vs. Joy C. Cabiles (G.R. No. 170139, August 5, 2014), kung ang isang OFW ay tinanggal nang walang dahilan bago matapos ang kanyang kontrata ay may karapatan siyang kuhanin ang kabuuan ng kanyang suweldo para sa mga natitirang buwan na nakasaad sa kanyang kontrata. Ito ay ipinaliwanag ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen sa nabanggit na kaso: 


Overseas workers regardless of their classifications are entitled to security of tenure, at least for the period agreed upon in their contracts. This means that they cannot be dismissed before the end of their contract terms without due process. If they were illegally dismissed, the workers’ right to security of tenure is violated. x x x

Respondent Joy Cabiles is entitled to her salary for the unexpired portion of her contract, in accordance with Section 10 of Republic Act No. 8042.”


Ang karapatan ng bawat manggagawang Pilipino, nagtatrabaho man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ay pinoprotektahan ng ating Estado kaya naman nag-akda ang mga mambabatas ng mga batas na nag-iingat, nagpapataas, at nagpapatatag sa mga karapatan ng bawat manggagawang Pilipino. Ang isang bagay na patuloy na iniingatan ng ating pamahalaan ay ang kasiguraduhan na hindi basta-basta matatanggal ang isang empleyado nang walang dahilan. Ang pagpoprotektang ito ay dahil na rin sa pagbibigay importansya sa lahat ng mga sakripisyo ng ating mga kababayang OFW at kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.


Kaya naman, bilang isang OFW na nagtrabaho sa ibang bansa na tinanggal nang walang dahilan at base sa iyong inilahad na salaysay, maaari mong hingin ang kabuuan ng iyong suweldo sa natitirang siyam na buwan sa iyong kontrata. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page