Pagkuha ng marriage license ng live-in partners
- BULGAR
- Nov 14, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 14, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay mayroong live-in partner mula noong 2015. Siya ay naunang ikinasal sa ibang babae, ngunit matagal na silang hindi nagsasama. Kamakailan lang ay lumabas na rin ang desisyon sa korte kung saan napawalang-bisa na ang kanilang kasal. Ngayon ay nais naming magpakasal at nabalitaan kong ang mga magkasintahang naninirahan sa iisang bubong bilang mag-asawa ay maaari nang hindi kumuha ng marriage license bago magpakasal. Kami ba ay kuwalipikado rito sapagkat kami ay halos walong taon nang magkasama sa iisang bahay? - Nerisa
Dear Nerisa,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 34 ng ating Family Code:
“ARTICLE 34. No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. The solemnizing officer shall also state under oath that he ascertained the qualifications of the contracting parties and found no legal impediment to the marriage.”
Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang pagkuha ng marriage license ay hindi na kailangan bago magpakasal kung ang mga partido ay naninirahan na sa iisang bubong bilang mag-asawa sa loob ng limang taon na walang kahit anong legal impediment o hadlang na pakasalan nila ang isa’t isa. Ang pagbilang ng limang taong pagsasama ay magsisimula palang kung wala nang legal impediment sa kanilang dalawa.
Sa iyong sitwasyon, nagsimula palang tumakbo ang pagbilang ng limang taon simula nang napawalang-bisa ang kasal ng iyong nobyo sa kanyang dating asawa. Dahil kamakailan lang nawala ang bisa ng kanyang kasal, kulang kayo sa itinakdang limang taon ng pagsasama nang walang legal impediment. Kaya naman, hindi pa kayo kuwalipikado sa ilalim ng nasabing probisyon. Kailangan pa rin ninyong kumuha ng marriage license gaya ng ibang mga nais magpakasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments