Pagkontrol sa deepfake at fake news, obligasyon ng gobyerno
- BULGAR

- Jul 20
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 20, 2025

Ngayong puro AI-generated content at nagkalat ang disinformation, hindi na sapat ang passive moderation sa social media — lalo na kung may kapangyarihan itong magbaluktot ng katotohanan.
Ang panukalang suspensyon ng Facebook ay hindi simpleng babala, isa itong panawagan para sa pananagutan. Kung ang isang platform ay hindi makontrol ang pagkalat ng maling impormasyon, may obligasyon ang gobyerno na ipagtanggol ang interes ng publiko.
Ibinunyag kasi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda na posibleng ipatigil ang operasyon ng Facebook sa Pilipinas dahil sa pagkalat ng deepfake at fake news.
Ayon sa kanya, muling sumulat ang DICT sa Meta, ang parent company ng Facebook at Instagram, upang igiit ang mas mahigpit na content moderation sa bansa. Iminungkahi rin niya na dagdagan ang mga lokal na content moderators, na dati’y narito pero inilipat sa Singapore.
Nababahala naman ang kagawaran sa mas lalong talamak na pagkalat ng AI-generated deepfakes, hindi lamang sa Facebook kundi maging sa iba pang social media platforms at messaging apps gaya ng Viber.
Ang ganitong nilalaman ay hindi lamang nakalilinlang, kundi potensyal ding magdulot ng social harm, lalo na kung ginagamit sa pulitika, paninirang-puri, o panlilinlang sa publiko.
Giit ni Aguda, may ilang ulit na silang humiling ng aksyon at nakiusap sa Meta pero tila hindi sapat ang kanilang pagtugon. Sa halip na maging tulay sa komunikasyon at koneksyon, aniya, nagiging pugad umano ng toxic content at maling impormasyon ang
Facebook.
Binigyang-diin pa ng kalihim na kung hindi na kayang sugpuin ng platform ang sarili nitong problema, kailangang kumilos ang gobyerno.
Ang mungkahing suspensyon ng Facebook ay isang marahas at makapangyarihang hakbang. Ito marahil ay hindi para patahimikin ang publiko, kundi upang ipaalala na kahit digital spaces ay may limitasyon. Subalit, kailangang pag-isipang mabuti dahil tiyak na matindi ang magiging epekto nito sa lahat ng sektor ng ating lipunan.
Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi dapat nagdudulot ng panlilinlang, bagkus nagbibigay ng tama at makabuluhang impormasyon. Gayundin, ang pagsugpo sa deepfake at fake news ay tungkuling kailangang akuin ng gobyerno, alang-alang sa kabutihan ng mga mamamayan.
Ang teknolohiya na dapat sana’y instrumento ng kaalaman, ay nagiging kasangkapan ng panloloko sa kapwa. Sa ganitong hamon, responsibilidad pa rin nating lahat, maging ng pamahalaan at pribadong sektor, na manindigan para sa katotohanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments